
Streetboys may patutunayan sa reunion dance concert
Patutunayan ng Streetboys na may angas pa rin sila sa pagsasayaw at kaya pa rin nilang makipagsabayan sa mga bagong dance/male group.
Matatandaang sumikat ang Streetboys noong dekada ’90 at hindi naman talaga matatawaran ang kanilang popularidad noon.
After 31 long years, muling makukumpleto at magsasama-sama ang original members ng Streetboys para sa isang dance reunion concert titled “SB90’s The Streetboys Reunion Dance Concert” sa Nov. 8 sa New Frontier Theater.
Humarap sa mediacon ang pitong original members na sina Vhong Navarro, Jhong Hilario, Danilo Barrios, Meynard Marcellano, Nicko Manalo, Joey Andres at Joseph de Leon.
Parating pa lang ng Pilipinas sina Spencer Reyes, Sherwin Roux at Michael Sesmundo na sa ibang bansa na naka-base.
Dumalo rin sa presscon ang founder at manager ng Streetboys na si Direk Chito Roño.
Masayang-masaya ang grupo na pagkatapos ng napakahabang panahon ay muli silang sasayaw nang kumpleto sa stage.
Sey nga ni Jhong, matagal na nila itong gustong mangyari pero laging hindi natutuloy dahil na rin sa kani-kanilang schedule.
Ayon naman kay Vhong, may halong saya at lungkot ang nararamdaman niya sa reunion dance concert.
“Saya dahil after 31 years, nagawa na nga at mangyayari na nga. ‘Yung lungkot, kung bakit naging 31 years saka naisip gawin. Pwede namang mas maaga, ‘di ba?” ani Vhong.
“Ngayon kasi, nararamdaman namin sa rehearsals ‘yung sakit ng likod. Kulang na nga lang, magpa-sponsor kami ng mga salonpas, ointment, ganyan,” dagdag pa ni Vhong na natatawa.
Dahil may SB90s sa title, natanong ang grupo kung magge-guest ba ang SB19 sa kanilang dance concert.
Of course, SB means Streetboys and 90’s naman ay ang dekada na sumikat ang kanilang grupo.
Ayon kay Vhong, nag-try sila na i-guest ang SB19 pero may conflict sa schedule ng grupo. Kinausap din nila ang Sex Bomb dahil SB rin ito pero hindi rin pumuwede.
Ewan kung biro pero inimbita rin daw nila ang South Border pero may conflict din daw sa schedule.
Samatala, sobrang nagpapasalamat naman ang grupo sa producer ng reunion concert na si Ogie Alcasid ng A-Team na nagtiwala, sumugal at nag-effort para mabuo silang muli.
Kaya naman hindi raw nila bibiguin ang kanilang producer pati na ang loyal supporters nila na matagal na ring naghihintay na muling mapanood ang dance steps na kanilang pinasikat.
“Sa daming taon na nagdaaan, parang walang nagtiwala na kaya pa namin. Kaya, ‘eto po, papatunayan namin na kaya pa namin,” pahayag ni Vhong.