SB19

Stell bumuwelta sa bashers ng SB19

June 1, 2024 Vinia Vivar 371 views

Sa kanyang live session sa TikTok noong isang gabi ay in-address ni Stell Ajero ng SB19 ang mga pangba-bash na nararanasan niya at ng kanyang grupo.

Ayon kay Stell, wala siyang magagawa kung may mga taong negatibong mag-isip.

“Kasi, guys, wala naman na tayong magagawa sa sinasabi ng iba, sa iniisip ng iba, kasi sila naman ‘yun, eh. Wala na tayong magagawa do’n,” aniya.

Kaya naman payo niya sa kanyang fans at followers, “Let’s continue life and let’s keep on doing the things we love, kasi ‘yun lang naman ‘yung hindi nila makukuha sa atin. Focus on your goals, basta wala kang inaapakang tao. Napakasimple pero pasok sa lahat ng bagay.”

Sinabihan din niya ang fans na huwag nang patulan pa ang mga basher.

“Kayo kasi, mapagpatol din kayo, eh. ‘Pag hindi maganda sa mental health n’yo, huwag n’yo na patulan. Huwag n’yo na bigyan ng platform ‘yung mga taong ganoon. Marami pa ring tao na may mabuting kalooban na hindi nagto-tolerate ng ganu’n,” aniya.

Biro pa niya, “Saka, ‘di ba, sabi nila, ‘pag marami kang bashers, ibig sabihin, sikat ka na. Wow, sikat. Hindi, joke lang,” sabay-tawa.

Paglilinaw pa niya, “Saka hindi naman ako nasaktan, to be honest. Saka ba’t ako masasaktan, ‘di naman totoo?”

In-assure rin ni Stell ang fans na nagwo-worry sa kanya na okay lang siya.

“Sa mga nagtatanong if I’m okay, don’t worry, guys, I’m okay. Sobrang busy lang talaga. Matagal ko na gusto mag-live, gusto ko kayo maka-bonding, kaso ang dami kong ginagawa,” saad pa ng SB19 member.

LOISA NAG-SORRY

Nag-sorry si Loisa Andalio sa mga taong na-offend sa naging pahayag niya hinggil sa mga solo traveler.

Sa isang online interview kasi ni Loisa last week ay sinabi niya na ayaw niyang nagta-travel nang solo at hindi niya ma-gets ang mga taong gustong magbiyahe nang mag-isa.

“Minsan kasi, ang ano lang, hindi ko maintindihan ‘yung mga tao na nagso-solo travel. Parang ang lungkot, kasi sino ‘yung kabatuhan mo na ‘ang ganda ng view?’” sey ni Loisa sa naturang panayam.

Dahil dito ay katakut-takot na pangba-bash ang inabot ni Loisa mula sa netizens. Kinontra nila ang sinabi ng aktres na malungkot ang mga solo traveler.

“I love to travel solo, it makes me happy, there’s peace. Accept the fact that there are people who enjoy doing activities they love alone,” sey ng isang netizen.

May nagkomento pa ng “Loisa Andalio wala kang pake. Pera mo teh?”

May nag-wish pa na sana ay mag-break si Loisa at ang boyfriend niyang si Ronnie Alonte para ma-appreciate ng aktres ang kahalagahan ng solo traveling.

Sa latest interview ni Loisa sa ABS-CBN, nilinaw ng aktres ang nauna niyang pahayag.

“Medyo bitin talaga ‘yung interview na ‘yun. Ang opinyon ko du’n, parang for me, kung ako magsu-solo travel, grabe siguro ‘yung pinagdadaanan ko para umabot ako sa mag-solo na lang kasi ako ‘yung personality ko gusto ko kasama si Ronnie or ‘yung friends or ‘yung family,” ani Loisa.

“Hindi ko nilalahat, sa akin lang ‘yun. Kung na- misinterpret ng iba, sorry, opinion ko ‘yun. May opinion din sila, nirerespeto ko din,” sey pa ni Loisa.

AUTHOR PROFILE