Imee

‘Starving artist’ ’di na uso — Sen. Imee

October 19, 2024 Ian F. Fariñas 222 views

PARA kay Senadora Imee Marcos, dapat ay hindi na mauso ang tinatawag na “starving artist.” Sa pamamagitan ng kanyang initiative na Young Creatives Challenge, lahat ng budding talents ay mabibigyan ng tsansang lumikha at makilala sa iba’t ibang larangan.

Sa pakikipag-usap sa entertainment writers sa nakaraang Pandesal Forum sa Kamuning Bakery Cafe, sinabi ng senadora na matindi ang premyong ipinamimigay nila sa Young Creatives Challenge.

“Nag-launch kami two weeks ago. Hindi nga ako nakapunta. Matindi ‘yung aming premyo, nasa P1M kada sanga ng sining, may graphic novels, may screenwriting, scriptwriting, music, animation, game development, pati online content. At kada isa, eh, P1 milyon. Maliban doon, dahil nga sa nakaraang taon, may mga bata na wala pang 18 years old kaya may elementary level.

“Ang nakakatuwa, ‘yung mga mas nakakatanda, over 35, eh, sinasabi na wala ring contest sa kanila kasi naglaho na ‘yung Metropop, naglaho na ‘yung iba’t ibang contest. Eh, gusto rin nilang magkaroon ng contest kasi ‘yung sa CCP limitado rin daw. Tingnan natin. Hindi ko kakayanin. Pero kung madagdagan ang budget ng Creative Industries Council, napaka-importante.

“Palagay ko, hindi na uso ‘yung starving artist, ‘yung sinasabing gutom. Kailangan gawing industriya ang ating likas na talent, ano? Hindi naman pwedeng ganu’n. Pero maraming nagtatanong kung anong gagawin para sa ating industriya, kung talagang maysakit na o ’yung mga tao lang ang nawalan ng paniniwala sa bisa nito. ’Yun ang ating katanungan. Sa palagay ko nagbago na rin ang problema natin. Lahat makakapag-produce. Murang-mura nang mag-produce ngayon, kahit cellphone mo, pwede kang gumawa ng short film. Ang problema, eh, kung paano ito idi-distribute at higit sa lahat, kung paano ito i-monetize. Du’n siguro tayo dapat tumutok at ’yan ang dapat ituro ng ating pamahalaan,” mahaba niyang paliwanag.

At dahil unang taon pa lang ng Young Creatives last year, inaasahan ni Sen. Imee na magbubunga rin ng iba’t ibang tugtog ang programang ito, lalo na pagdating sa songwriting category.

“Tinitingnan natin kasi first year pa lang siya last year, we will definitely improve through the years,” banggit pa ng senadora.

AUTHOR PROFILE