Ompong

SSS kinalampag ng party-list solon sa P1,000 dagdag pension ng senior citizens

April 4, 2025 Zaida I. Delos Reyes 190 views

KINALAMPAG ni Senior Citizens Party-list Representative Rodolfo “Ompong” Ordanes ang Social Security System (SSS) at hiniling na ibigay na ang second tranche ng karagdagang P1,000 sa pensyon ng senior citizen retirees.

Paliwanag ni Ordanes, ito ay alinsunod sa RA 11199 o ang Social Security Act of 2018.

Aniya, matapos aprubahan ni dating Pangulong Duterte ang dagdag pensyon noong 2017, naglabas ng memorandum ukol dito si dating Executive Sec. Salvador Medialdea.

Sa ilalim ng batas, nakasaad din ang unti-unting pagdadagdag sa kontribusyon ng mga miyembro mula sa 12% noong 2019 hanggang sa 15% ngayon taon.

Sinabi ni Ordanes na dahil sa pagtaas ng contribution rate ay nadagdagan din ang pondo ng SSS kaya mayroon itong kapasidad na ibigay ang dagdag pensyos sa mga senior citizen na nagretiro na sa pribadong sektor.

“Noong 2023, umabot. sa P83.13 bilyon ang kita ng SSS na higit 62% sa kanilang target at noong 2024, inasahan na aabot sa P140 bllyon ang kanilang kita,” pahayag ni Ordanes.

Ngayong taon aniya, P51.5 bilyon ang inaasahang madadagdag sa kita ng SSS dahil itinakda na sa P5,000 ang minimum salary credit at pinakamataas sa P35,000.

Ang pagtaas ng kita ng SSS ang nag-udyok kay Ordanes upang ulitin ang kanyang apila nooong 2020.

“Umaapila ako para sa senior citizens at pensioners na ang tanging inaasahan para sa kanilang mga gamot at pangangailagan ay ang kanilang pensyon,” sabi pa ng namumuno sa House committee on senior citizens.

Nabanggit din niya tumaas na rin ang halaga ng mga bilihin at serbisyo kayat malaking tulong ang dagdag na pensyon.