Martin2 Si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ay sinamahan ni PBGen. Jose Hidalgo Jr. sa pagsaludo sa arrival honors na ibinigay kay Speaker bilang panauhang pandangal at pangunahing speaker sa selebrasyon ng 126th Commemoration ng Philippine Independence Day sa Barasoain Church sa Malolos City, Bulacan, Miyerkules ng umaga. Kuha ni VER NOVENO

Speaker Romualdez, SP Escudero pag-uusapan prayoridad ng Kongreso

June 12, 2024 Ryan Ponce Pacpaco 106 views

MAKIKIPAGPULONG si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa bagong upong si Senate President Francis “Chiz” Escudero upang pag-usapan ang mga panukala na bibigyang prayoridad na maipasa ng Kongreso kasabay ng pagpapalakas ng ugnayan ng mga ito.

Sa panayam sa pagdiriwang ng ika-126 Araw ng Kalayaan sa Barasoain Church sa Bulacan nitong Miyerkoles, binigyan-diin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan na maging pareho ang tinatahak na direksyon ng dalawang kapulungan.

Sinabi ni Speaker Romualdez na natapos na ang Kamara ang mga prayoridad na panukala na hinihingi ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., partikular ang mga binanggit nito sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) at ang mga panukalang natukoy ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).

“Bukas, magkakaroon tayo ng meeting, at syempre, tatalakayin ang priority legislative agenda,” ani Speaker Romualdez, lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 kinatawan.

“Sa totoo lang po, sa House of Representatives, tapos na at naipasa natin lahat ng priority measures ng ating mahal na Presidente, lalo na ‘yung SONA measures at LEDAC. Pero syempre, bago ang leadership ngayon at baka may bagong priorities na irerekomenda rin, kaya papakinggan natin po ‘yun,” sabi pa nito.

Binigyan-diin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan na mapalakas ang kooperasyon ng Kamara at Senado upang maging matagumpay ang implementasyon ng mga programa at repormang inilalatag ng administrasyon.

Ang Kongreso ay kasalukuyang naka-recess matapos mag-adjourn ang regular session ng 19th Congress noong Mayo 22.

Muling magbubukas ang sesyon para sa ikatlong regular session sa Hulyo 22, ang araw kung kailan ang ikatlong SONA ni Pangulong Marcos.

AUTHOR PROFILE