Martin1 Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez

SPEAKER ROMUALDEZ: LA NIÑA PAGHANDAAN

May 13, 2024 People's Tonight 94 views

Mga ahensya ng gobyerno ipinatawag ni Speaker Romualdez para talakayin pagbaha sa NCR, iba pang lugar

IPINATAWAG ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa isang high-level meeting upang talakayin ang paghahanda sa La Niña na maaaring magdulot ng pagbaha sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa.

Pinadadalo ng lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 kinatawan sa pagpupulong ang mga kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of the Interior and Local Government (DILG), gayundin ang chairman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

“Seryoso nating pinaghahandaan ang pagdating ng La Niña bago pa man ito maka-apekto sa ating bansa. Itinaas na ng PAGASA ang alarma kung kaya mahalaga ang ating pagkakaisa at agarang aksyon upang maprotektahan ang ating mga komunidad sa posibleng pagbaha,” ani Speaker Romualdez.

“Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng DPWH, DENR, DILG, at MMDA, at siyempre ng ating mga local government official, atin pong pinalalakas ang ating mga hakbang sa paghahanda at pag-iwas sa mga sakuna upang matiyak ang kaligtasan ng bawat Pilipino,” saad pa nito.

Binigyan-diin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan na bigyang prayoridad ang seguridad sa pagkain, sapat na suplay ng tubig, enerhiya, public health, mobility, interconnectivity at kaligtasan ng publiko.

“Kailangang mahigpit ang ugnayan ng national government at mga local government unit para maipatupad ang mga aksyon sa malawakang paghahanda na gagawin natin,” sabi pa nito.

“Ang utos sa atin ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay gawin ang lahat ng nararapat para tiyakin na ligtas sa kapahamakan ang mga komunidad at ang bawat pamilyang Pilipino,” dagdag pa nito.

Umapela ang lider ng Kamara sa mga otoridad na sumali sa gobyerno sa paghahanda sa posibleng pagbaha.

“Hihingin din natin ang pakikipagtulungan ng mga komunidad at lahat ng mamamayan sa paghahandang gagawin natin. Higit kailanman, ngayon natin kailangan ang pagkakaisa para maiwasan ang sakuna at masamang epekto na dala ng La Niña,” wika pa nito.

“Gagawin natin ang lahat para maging ligtas at malayo sa kapahamakan ang lahat ng ating mga kababayan,” saad pa ng lider ng Kamara.

Ayon kay Speaker Romualdez layunin ng pagpupulong na pag-isahin ang estratehiya ng gobyerno upang matugunan ang problema.

“The dialogue will focus on integrating infrastructure development, environmental management, and community-based approaches to form a comprehensive flood mitigation framework. The insights and agreements from this meeting will be pivotal in shaping the national response to flood risks,” wika pa nito.

Siniguro ni Speaker Romualdez na ipapaalam nito sa publiko ang magiging resulta ng pagpupulong upang mapaghandaan ang epekto ng La Niña.

AUTHOR PROFILE