Default Thumbnail

Solo parents, PWDs sa Maynila may buwanang allowance na

March 19, 2023 Edd Reyes 202 views

TINAWAGAN ng pansin ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang mga solo parents at persons with disability (PWDs) na hindi pa nakukuha ang kanilang buwanang allowance na makipag-ugnayan na sa Manila Depatment of Social Welfare (MDSW) upang makuha na ang kanilang allowance.

Ayon sa alkalde, natanggap na ng mga kuwalipikadong solo parents at PWDs ang kanilang allowance mula sa buwan ng Enero hanggang Marso ng taong kasalukuyan na may kabuuang P1,500 na kumakatawan sa tig-P500 kada buwan.

Gayunman, inihayag ni Mayor Lacuna-Pangan na may kabuuan pang 8,936 mula sa kabuuang 30, 046 na mga PWDs na kuwalipikadong tumanggap ang hindi pa kinukuha ang kanilang allowance habang 1,117 naman ang bilang ng mga tinanggal sa listahan dahil natuklasan na hindi na sila kuwalipikado kaya’t lumalabas na 19,993 ang kabuuang bilang ng mga nakatanggap ng kanilang allowance para sa tatlong buwan.

Sa mga solo parents naman, may bilang pa na 5,230 ang hindi pa kinukuha ang kanilang allowance mula sa kabuuang bilang ng mga benepisyaryo na 17,078 kaya’t umabot sa 10,965 ang kabuuang nakatanggap na ng allowance habang 903 naman ang tinanggal bilang benepisyaryo dahil hindi na sila maituturing na solo parent.

Ipinaliwanag naman ng alkalde ang ilang kadahinalan kung bakit natanggal sa listahan ng mga benepisyaryo ang dating mga kuwalipikado na tumatanggap ng kanilang buwanang allowance.

“Bigyan ko po kayo ng mga kadahilanan kung bakit na-invalidate sila, maaari po siguro, unang-una, hindi na po sila solo parent. Kasi pagpaumanhin po ninyo, medyo po mahigpit po tayo dito dahil mayroon tayong mga kababayan na kine-claim nila na sila ay solo parent pero kapag sila ay dinalaw sa kanilang tahanan ay hindi naman sila solo parent,” paliwanag ng alkalde.

“Kami po ay sumusunod lamang sa mga panuntunan, kasi pondo po yan ng atin pong lungsod, hindi naman po namin puwedeng gastusin yan ng kaliwa’t-kanan kasi kailangan din po naming i-liquidate yan, ibig sabihin yung nire-release naming pondo ay tama at naibibigay namin ng tama kaya ipagpaumanhin nyo po kung meron talaga tayong kinakailangang i-invalidate,” dugtong pa ni Mayor Honey Lacuna-Pangan.

AUTHOR PROFILE