SMNI

SMNI SINUSPINDI NG NTC

December 21, 2023 People's Tonight 182 views

Ng 30 araw, pinagpapaliwanag din

NAGLABAS ng show cause order ang National Telecommunications Commission (NTC) na may kalakip na 30 araw na suspensyon laban sa Swara Sug Media Corporation na nag-o-operate sa business name na Sonshine Media Network International (SMNI) kaugnay ng mga paglabag nito.

Sa walong pahinang utos na may petsang Disyembre 19, 2023, inatasan ng NTC ang SMNI na magsumite ng paliwanag sa loob ng 15 araw mula sa pagkakatanggap ng show cause order kung bakit hindi ito dapat patawan ng parusa dahil sa hindi pagtalima sa mga batas at regulasyon ng bansa.

Nagbabala ang NTC na kung hindi sasagot sa itinakdang oras ay aaksyunan ng ahensya ang isyu ng hindi napakikinggan ang panig nito.

Ayon sa NTC mayroon itong nakitang sapat na batayan upang suspendihin ang operasyon ng SMNI sa loob ng 30 araw batay sa Section 16 (n) ng Public Service Act.

Ang resolusyon ay pirmado nina NTC Commissioner Ella Blanca B. Lopez at Deputy Commissioners Jon Paulo V. Salvahan at Alvin Bernard N. Blanco.

Nabanggit din sa utos ng NTC ang resolusyon ng Kamara de Representantes na nananawagan sa ahensya na suspendihin ang SMNI.

Ayon sa House Resolution 189 nilabag ng SMNI ang mga termino ng prangkisa nito na nakasaad sa Republic Act (RA) No. 11422, ang batas na nagpalawig sa prangkisa ng Swara Sug ng 25 taon mula noong Agosto 2019.

Tinukoy sa resolusyon ang paglabag ng SMNI sa Section 4 kung saan nakasaad ang responsibilidad nito sa publiko na huwag magpakalat ng maling impormasyon; Section 10 dahil sa paglipat nito ng pagmamay-ari ng hindi ipinapaalam sa Kongreso sa loob ng itinakdang panahon; at Section 11 dahil sa pagkabigo na ialok sa pubiko ang hindi bababa sa 30 porsyento ng outstanding stock nito.

Sa pagsuspendi ng SMNI, sinabi ng NTC na pinahalagahan nito ang resolusyon ng Kamara na siyang mayroong kapangyarihan na magbigay ng prangkisa.

Ipinatawag din ng NTC ang SMNI sa isasagawang administrative hearing sa Enero 4, 2024 alas-10 ng umaga.

Inatasan din ng ahensya ang SMNI na ibigay dito ang kanilang email address kapag natanggap na ang order.

Nagpalabas din ang NTC ng direktiba sa mga regional directors nito na tiyakin na maipatutupad ang suspension order.

Ang SMNI, na pinaniniwalaang pagmamay-ari ng televangelist na si Apollo Quiboloy ay mayroong 10 AM station, 3 FM station, 14 na TV station, at 22 digital terrestrial TV broadcasting stations.

Iniimbestigahan ng Committee on Legislative Franchises ng Kamara ang SMNI kaugnay ng mga paglabag nito sa termino ng kanilang prangkisa batay sa HR 230 kaugnay ng pagpapakalat ng fake news at red-tagging; HR 1428 kaugnay ng pagbabanta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kay ACT Teachers Rep. France L. Castro sa programa ng SMNI; at privilege speech ni Deputy Majority Leader at Quezon Rep. David “Jay-Jay” Suarez tungkol sa inere ng SMNI na gumastos si Speaker Ferdinand Martin Romualdez ng P1.8 bilyon sa mga biyahe nito gayong P4.3 milyon lamang ang aktwal na gastos ng Office of the Speaker mula Enero hanggang Oktobre 2023.

Ang buong Kamara ay gumastos lamang ng P39.6 milyon sa biyahe ng lahat ng mga miyembro, opisyal, at empleyado nito sa unang 10 buwan ng 2023.

Sa pagdinig ng komite noong Disyembre 5 at 11, iginiit ni PBA Party-list Rep. Margarita “Atty. Migs” Nograles, ang may-akda ng HR 1499 na dapat masuspendi ang operasyon ng SMNI.

Pinagtibay ng komite at Kamara ang HR 1499 na naging HR 189 ang opisyal na numero matapos na mapagtibay ng mababang kapulungan.

Ang NTC ay isang attached agency ng Department of Information and Communications Technology at siyang pangunahing ahensya na mayroong saklaw sa telecommunication services sa bansa.

AUTHOR PROFILE