Tai

Sistema ng pagbabayad sa NHA lumawak

July 15, 2023 Jun I. Legaspi 575 views

UPANG matulungan sa pagbabayad ng buwanang amortisasyon ang mga benepisyaryo ng National Housing Authority (NHA), siniguro ni General Manager Joeben Tai na madagdagan ng iba’t ibang paraan ng pagbabayad sa ahensya.

Bukod sa nakagawiang pagbabayad sa mga NHA offices sa iba’t ibang panig ng bansa, maaari na ring magbayad nang hindi umaalis sa kanilang mga tahanan ang sinumang miyembro sa pamamagitan ng online applications katulad ng Maya, Green Apple at Link.BizPortal.

Opisyal nang nakipag-ugnayan ang Maya Philippines Inc. sa NHA sa pamamagitan ng pag-pirma ng kasunduan nina GM Tai at Maya Philippines Inc. Associate Director Marvin C. Santos noong Abril 17, 2023.

Para makapagbayad sa NHA sa loob lamang ng ilang minuto, i-download lang ang Maya mobile application, gumawa ng sariling account at makapagbabayad na ng buwanang amortisasyon gamit ang Beneficiaries Identification Number o BIN.

Bukod pa rito, matatanggap din ang mga abiso sa pagsingil at resibo ng binayad sa pamamagitan ng email o ng SMS.

Mula noong Marso 2023, nagagamit na rin ng mga benepisyaryo ng NHA ang serbisyo ng Green Apple Technologies and Systems, Inc.

Sa pamamagitan nito, makapagbabayad ang benepisyaryo ng NHA gamit ang kanilang mga bank account tulad ng BDO, BPI, Metrobank, PSBank, RCBC, Security Bank, Union Bank at iba pa.

Maaari ring magbayad dito sa pamamagitan ng Gcash.

Maaaring gamitin ang serbisyo ng Green Apple saan man sa bansa ngunit limitado pa lamang sa proyekto ng NHA sa Region IV.

Maaari na ring magbayad ang mga benepisyaryo ng NHA sa mobile application ng Landbank o sa website na landbank.com/e-banking/other-e-banking-services/linkbizportal.

Noong Hunyo lamang nagsimula ang serbisyong ito sa Region III at inaasahang gagamitin na rin sa iba’t ibang rehiyon sa mga susunod na buwan.

Habang pinapalakas ng NHA ang pagkolekta ng amortisasyon mula sa mga benepisyaryo nito, nakatutulong din ito sa pagpapa-ikot ng pondo para sa dagdag pang pabahay ng ahensya upang makapagbigay pa ng mas marami pang bahay sa mga nangangailangan.

AUTHOR PROFILE