Default Thumbnail

Sinundan ni Kamatayan

December 26, 2023 Edd Reyes 146 views

TODAS ang 40-anyos na obrero nang pagbabarilin ng isa sa dalawang nakaaway niyang lalaki noong Lunes sa Malabon City.

Patay agad dahil sa mga tama ng bala sa katawan si Cresencio Casas, ng No. 5, Atis Road, San Miguel, Brgy. Potrero habang mabilis na tumakas ang mga suspek na sina alyas Ericson at Archie, mga residente rin ng Atis Road.

Ayon sa mga pulis, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mga suspek at si Casas sa harap mismo ng bahay ng biktima dakong alas-9:15 ng gabi.

Ilang saglit lang matapos ang away, umalis na ang biktima papunta sa Lasbuenas Garment sa Industrial Road, Brgy. Potrereo pero lingid sa kanyang kaalaman sinundan siya ng dalawang suspek.

Habang nakatayo sa harapan ng pinuntahang pabrika ng damit, isa sa mga suspek ang bumunot ng baril at sunod-sunod na pinaputukan ang biktima na dahilan ng agaran niyang kamatayan.

Sa ginawang pag-proseso sa crime scene ng mga tauhan ng NPD, nakuha ang isang paltik na baril na may isang bala ng 12 gauge shotgun, dalawang magkaibang uri ng patalim, isang metal fragment at dalawang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.

AUTHOR PROFILE