
‘Sinayang,’ hindi ‘nasayang’
BAGO ang lahat, nakikiramay tayo sa ating mga kababayan na nabiktima ng 7.0 magnitude na lindol sa Northern Luzon nito lang araw ng Miyerkules, kasabay ng panawagan na magkaisa tayong lahat at magtulungan. Sa mga ganitong panahon at pagkakataon dapat nating ipakita ang ating malasakit sa ating kapwa. Patuloy nawa tayong patnubayan ng ating Panginoon.
***
Nasa P5.1 bilyon ang nalugi sa pribadong sektor dahil sa nag-expire na mga bakuna sa COVID-19 habang ang bansa naman ay nagkukumahog para mapataas ang bilang ng mga nababakunahan.
Patuloy kasi ngayon ang pagtaas muli ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa at ayon sa Department of Health (DOH) mismo ay maaaring umabot ito sa 20,000 kaso kada araw. Sa ngayon nasa 27,700 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa bansa kabilang na dito ang nasa 2,800 bagong kaso.
Bagamat sinabi na ni President Bongbong Marcos (PBBM) sa kaniyang unang State of the Nation Address o SONA na hindi na isasailalim pa sa lockdown ang bansa dahil kailangang balansehin ang kalusugan ng publiko at kalagayan ng ekonomiya.
Gayunpaman, hindi natin maiaalis ang panghihinayang sa halos 4.3 milyong bakuna na na-expire lamang sa mga warehouse. Hindi rin po biro siyempre ang P5.1 bilyon na halaga nito.
Ibig sabihin po nito ay milyung-milyong mga Pilipino ang hindi nabiyayaan ng bakuna na para dapat sa kanila.
Itinuturo ni dating Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion ang DOH at Health Technology Assessment Council (HTAC) sa hindi agad pag-aksyon ng mga ito na payagan ang pangalawang booster vaccination dahilan nang pagkaka-expire ng mga bakuna.
Sinasabing Abril pa lamang ay umaapela na si Concepcion na payagan na ang ikalawang booster vaccination. Kung paniniwalaan pa siya, Marso pa lamang ay sinasabi na nila na mag-eexpire na ang bakuna at mabagal ang nagiging booster drive. At dahil nasa tripartite agreement nang kuhanin ang bakuna, nasa gobyerno ang kalahati ng mga bakunang nabili.
Ang tanong ngayon, mayroon bang pwedeng managot dito? Dahil kung wala, maaaring maulit lamang ito at maaaring mawalan na ng tiwala ang pribadong sektor na makipagkasundo sa gobyerno. Dahil hindi nagiging efficient sa paghahatid dapat ng serbisyo.
Hindi po natin pwedeng sabihin basta na lamang na ayaw kasing magpa-booster ng mga tao. Tandaan po natin noong una, ayaw din talagang magpabakuna ng mga tao dahil sa takot nila dito na baka matulad sila sa mga biktima ng Dengvaxia.
Hindi po naging madali ang pagkumbinsi sa mga tao na magpabakuna pero dahil nagtrabaho po ang iba’t ibang sektor para maipaalam sa tao ang kahalagahan at kaligtasan ng bakuna, naabot po natin na mabakunahan ang milyung-milyong Pilipino.
Ito po ang dahilan kung bakit tayo nagkakaroon ng luwag sa pagkilos ngayon at naibsan ang mga lockdown at restrictions. Ito ang naging dahilan kung bakit napababa natin ang pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng covid 19.
Ngayon dahil nakapagpabakuna na po ang mga iyan, ibig sabihin bukas na sila o tinatanggap na nila ang bakuna. Hindi katulad noon na mayroon silang hesitasyon dito. Kaya naman kakayanin ang pagpapa-booster dahil hindi na tayo nagsisimula sa dati.
Kaya hindi natin pwedeng sabihin na ‘sayang’ ang mga bakuna na na-expire. Ang tamang sabihin ay ‘sinayang’ ang mga bakunang na-expire. Dahil hindi ito basta nangyari. Nasa kontrol dapat ito ng mga taong nagsisiguro na mahalaga ang bawat bakuna na mayroon sa bansa.
Ang masakit lang ay goodbye P5.1 bilyon. Nasayang nang ganoon-ganoon lang ang halagang ito na sana ay maraming Pilipino ang nakinabang. Kung hindi tayo nanghihinayang sa halagang ito baka naman hindi na lamang bulsa natin ang kailangan nating tignan.
Malamang may pagsisisi sa pribadong sektor ang kanilang desisyon na makipagkasundo sa gobyerno sa pagbili ng bakuna. Kaya naman hindi maiiwasan na isipin nila sa susunod kung uulit pa ba sila?
Kung ganoon, hindi lamang bakuna at pera ang nasayang. Kundi pati ang tiwala. Sa isang negosyante, mas mahirap ibalik iyon kesa pera.