Default Thumbnail

Silang mga nakikipaglaban para sa katubigan

May 3, 2021 Allan L. Encarnacion 437 views

NATATAWA na lang ako na naiinis kapag naririnig ko ang mga taong nagkakandapatid ang litid sa galit para ipaglaban ang West Philippine Sea, ang Julian Felipe Reef, ang Scarborough Shoal at ang Spratlys.

Sobrang init ng sitwasyon dahil apoy ang ibinubuga ng mga taong ito para murahin ang administrasyon at ang lahat ng nasa gobyerno, kasama na ang Tsina.

Atin daw ang mga katubigang iyon, kailangan daw ipaglaban, kung kailangang makipagdigma at maaari nga lang ay tirisin ang bawat Chinese na kanyang makikitang kumakain ng miki sa Binondo.

Kung makapagsalita, akala mo, sobrang mapagmahal sa bayan at talagang lalaban nang patayan mabawi lamang ang sinasabi nilang inaagaw na teritoryo.

Pero kapag kinaliskisan mo sila at tanungin kung halimbawa bang ilagay ko sa tabi ng bahay nila ang isa lang dyan, let’s say, ay ang Julian Felipe Reef, ano kaya ang kanyang gagawin?

Kahit hindi nila sagutin, alam ko naman ang gagawin nila. Unang-una, gagawa sila ng tagpi-tagping yero para magkaroon ng kubeta deretso sa dagat ang kanilang tatsi, pangalawa, gagawin iyong malaking basurahan nila na hahagisan ng sirang balde, sirang kutson, patay na hayup, mga used sanitary napkins at diapers at doon na rin sila maghuhugas ng pinggan at maglalaba.

Huwag na tayong lumayo, yang Pasig River, sa mahabang panahon na nariyan ang mga taong sumisigaw ng pakikipaglaban sa West Philippine Sea, tanungin mo sila kung bakit wala silang kibo habang ginagawang malaking pusali ito ng salinlahi at salit-salit na pamahalaan.

Ang Tullahan River na halos umiikot sa buong Metro Manila, ano na ba ang histura ngayon? Hindi ba’t kanal na lang din at iyong ibang parte, wala nang tubig dahil basura na ang naghari sa gitna na parang isla.

Natatandaan ko, sa Tullahan River sa Sta Barbara area sa Novaliches, Quezon City noong late 70’s ay nakakaligo pa kami na parang mga olympian at sinusundan pa namin ng panghuhuli ng isda at pamimitas ng kangkong. Malinaw na malinaw ang tubig kaya nga nakakagawa pa kami ng balon sa gilid para doon kami umigib ng inumin.

Nadaanan ko nito lang nakaraang araw, iyong parte na pinapaliguan namin, burol na lang ng basura! Nasaan na iyong mga mapagmahal sa bayan na yan, aber?

Ang Dario River sa Del Monte, Quezon City na paikot din kung saan-saan, patay na ilog na rin ngayon at tapunan ng basura cum salvage victim.

Ang punto natin dito, bakit ba napakalayo ng ating tingin gayong itong abot-kamay nating mga katubigan ay ayaw nating ipaglaban? Gusto ko tuloy kuwestiyunin ang inyong pag-iingay sa mga bagay na hindi nyo naman naabot ang lalim ng katotohanan.

Ang maipapayo ko sa inyo, kapag kaya nyo nang linisin ang inyong mga bakuran na inyong kinalatan, tara, sabay-sabay tayong makipaglaban doon sa malayong karagatan!

Baka kumakana ka ng sagipin ang West Philippine Sea pero isa ka sa taong salaula na nagtapon ng busal ng mais sa ilog pagkatapos mong pangusin sa loob ng magara mong kotse!

Huwad kang makabayan kung isa ka dyan!

[email protected]