Bong

Series ni Sen. Bong wagi sa Star Awards for TV… Season 4, ikinakasa?

March 28, 2025 Ian F. Fariñas 146 views

PINATUNAYAN ng “Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis” na panalo ito sa puso ng Pinoy matapos magwaging Best Mini Series sa 38th PMPC Star Awards for Television nitong Linggo, Marso 23, sa Dolphy Theater.

Tuwang-tuwa nga si Sen. Bong Revilla, gumaganap bilang Tolomeee!, sa panibagong karangalang iginawad sa serye.

“Grabe! Sobrang nakakataba ng puso! Mula umpisa hanggang dulo, ibinuhos namin ang lahat para mabigyan kayo ng isang palabas na hindi lang puno ng aksyon at tawanan, kundi aral at lalim din.

“Nagpapasalamat kami sa PMPC sa pagkilalang ito, sa aming production team, at higit sa lahat, sa mga manonood na walang sawang sumuporta,” pahayag ng aktor/mambabatas.

Kahit tapos na ang Season 3, hindi pa rin kumukupas ang kasikatan nito. Pinag-usapan ito dahil sa kakaibang timpla ng aksyon, tawanan at kurot sa puso.

Kasama ni Sen. Bong sa tagumpay na ito sina Beauty Gonzalez, Niño Muhlach, Dennis Padilla at iba pang mahuhusay na artista.

Usap-usapan na nga ngayon kung magkakaroon ba ng Season 4 ang “Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis!”

Hindi pa ito kinukumpirma ni Sen. Bong, pero marami na ang nag-aabang sa pagbabalik ni Tolome sa telebisyon.

Kaya, abangan!

AUTHOR PROFILE