
Senador Grace Poe, pakibusisi ang PAL
HINDI ko naman ikakaila na ang PAL ang paborito kong airlines magmula nang matuto akong lumipad paibayong dagat.
Siguro, nasa 90% ng mga domestic at international flights ko ay PAL by choice dahil una, Philippine flag carrier, pangalawa, efficient, professional service at pangatlo, magagaling naman talaga ang mga piloto.
Hindi ko alam kung namalik-mata ako nitong nakaraang linggo dahil nag-iba ang karanasan natin sa PAL. Matagal na kaming naka-book papuntang Osaka, Japan para nga mas mura kahit paano.
February 23, 2023, 2:25 p.m. ang flight sked namin from NAIA T2 to Kansai Airport sa Osaka. Iyong usual me na mas maagap pa sa alas kuwatro, alas-8:30 pa lang ng umaga nasa airport na kami.
Doon sa mismong check-in counter kami pumunta para mas maaga ngang maka-settle. Parang nagulat ang PAL ground staff dahil naroon kami sa harapan niya. “Sir, saan po kayo pupunta?,” tanong niya sa amin. “Tatlo lang naman kami, misis ko, bunsong si Deiv at ako.
Nagulat din siyempre ako kasi nagulat si PAL. “Osaka kami, 2:25 p.m. flight namin,” sabi ko sa kanya. Akala ko nagulat siya dahil masyado kaming maaga. Iba pala, kaya siya nagulat, wala naman palang Osaka flight noong araw na iyon pero lilipad kami! February 24, 9:15 a.m. daw ang Osaka flight.
Aba’y nakakagulat talaga kasi kakaiba kaming travellers, maaga kami negpeprepara sa mga lipad, nakasalansan lahat ng aming mga bagahe dalawang araw pa bago umalis at nakaayos ang lahat ng sked para walang masakripisyong mga lakad.
Nagkatarantahan na kasi wala naman kaming natanggap na email, text message or anumang notification na kanselado ang aming flight. “Wala po kayong natanggap na notice?,” tanong sa amin ng attendant sa check-in counter malambing naman. Kung may notice kaya, pupunta pa kami sa airport?
Nagpunta siya sa isang computer desk na katabi ng counter na parang central data base ng mga flights. Doon nila nakita na wala silang ipinadalang notice sa amin or sa aking travel agent na kanselado ang aming flight.
Dinala kami sa help desk ng PAL para mapag-usapan ang naging problema. Kailangan talaga sana naming makalipad noong Feb 23 dahil Feb 24 ng umaga ay may kamiting ako Japanese businessman at mga staff niya. Plus, naka-book kami sa Swissotel na as usual, bayad na rin.
Pero wala talagang Japan flight kahit Narita, kahit Haneda noong araw na iyon. Mag-via Hong Kong thru Cathay Pacific sana kami pero 11:30 p.m. pa ang dating sa Osaka—at hindi sigurado kung may available seats.
Ang ending, kailangan na naming tanggapin ang alok ng PAL na i-check in kami sa Century Park Hotel sa Harrison Plaza area pero hindi ko na tinanggap ang transportation dahil may dala kaming car na nakaparada sa arrival parking. Ang susunod na problema, paano iyong 1 night hotel na binayaran namin sa Osaka na P40,000 plus per night? Hindi naman daw magre-refund ang PAL—kahit sila na ang nga may pagkakasala. Hindi ko alam kung ano ang nakalagay sa Passenger Bill of Rights.
Sa Century Hotel, nabigyan naman kami ng room kaya lang, masikip para sa tatlong tao at sira ang pintuan ng banyo. Sabi ng PAL, family room ang ibibigay para mas malaki pero hindi rin nangyari. Bagama’t binigyan naman nila kami ng buffet lunch and buffet dinner. Binigyan din nila kami ng choice seat dahil exit row kami naupo.
Lilinawin natin ha, hindi porke’t nabigyan ng hotel at buffet ay natatapos na ang liability nila. Iyong istorbo, iyong unquantifiable perhuwisyo at ang refund sa Osaka hotel ay palaging naroon iyon.
Hindi pa rin na-compensate ang isang araw na nawala para sa meeting ko at ang one night expenses sa hotel sa Osaka na hindi namin nagamit at hindi rin na-refund. Nakausap ko naman si Madame Cielo Villaluna sa tulong ng ating BFF na si Anthony Taberna. Thanks Tunying!
Paliwanag ni Cielo, automatic dapat na ma-notify ang lahat ng affected passengers kapag may mga cancelled flights dahil mayroon daw silang ganoong computer system. Ang problema nga, ako at ang travel agent ko ay hindi naabisuhan sa haba ng panahon. Inamin ni Cielo na Jan 17 pa raw na-kansela ang Manila-Osaka flight kaya pagtatakhan mo rin kung bakit wala kaming notice. Nasaan kaya ang problema Senador Grace Poe?
Ito pa ang isang naging problema, February 28, babalik naman kami from Osaka to Manila. Ang flight namin na 3:15 p.m., areglado na lahat. Iyong anak ko naman na si Bryan, kasama ang wife at ang aming apo na silang nauna sa Osaka noong February 23 sa 9:15 a.m. flight.
Pabalik naman nila Osaka-Manila, 9:15 a.m. din kaya halos alas kuwatro pa lang ng madaling araw ay gumagayak na sila at umalis sa hotel ng 5:15 a.m. para mag-train. Nang mag-aalas siyete, tumatawag na sila sa akin kasi, wala naman daw flight papuntang Manila galing sa Osaka noong February 28.
Naku po, kandarapa na naman ako sa pagtawag sa travel agency at sunud-sunod ako na nagtext kay Madame Cielo para tanungin ano na naman ang nangyari. Pinakisuyuan ko rin si Madame Cielo na magawa ng paraan na mai-book sila Bryan sa alas-3:15 p.m. na flight pa-Manila para makasabay sa amin. Kaya lang, hindi sumagot si Madame Cielo, naisip ko na lang baka walang load or naka-unli 30 lang kaya hindi na makasagot.
Iyong travel agent ko na lang ang kinulit ko na gawan ng paraan ang Osaka-Manila flight ng mag-anak. Hayun, katakot-takot na taray ang inabot ng PAL sa travel agent kong si Kim na ipinaglihi sa scud missile! Sa bandang huli, nagawan ng paraan ni Kim at pumayag ang PAL na mare-book sila sa 3:15 p.m. flight.
Ang tanong ko ngayon Senador Poe, bilang chairperson ng public services committee ng Senado, at isa sa mga may akda ng Passenger Bill of Rights, ano ba ang magawang gawin sa kasong ito? Baka puwede itong tingnan para sa kapakanan ng publiko, Madame Grance?
Wala naman tayong intensiyon kasuhan o pagkakitaan ang PAL sa insidenteng ito, ang gusto lamang natin ay magkaroon ng malinaw na polisiya sa mga pasaherong nabibiktima ng negligence ng mga airlines.
Sana lang din ay makarating kay Kapitan Lucio Tan ang ganitong pangyyari dahil masyadong malaki ang nakataya sa integridad ng kompanya para sa isang simpleng notification lang in advance ay hindi pa nila magawa.