Senado

Senado naghahanda para sa ‘impeachment proceedings’

February 27, 2025 PS Jun M. Sarmiento 220 views

KINUMPIRMA ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na nagsasagawa ang Senado ng mga kinakailangang paghahanda para sa posibleng impeachment proceedings, kung saan ay tiniyak din niya ang transparency at pagsunod sa mga itinatakdang patakaran.

Nilinaw ni Escudero na habang may mga pag-uusap na nagaganap, wala pang pinal na desisyon.

Ang proseso aniya ay susunod sa panloob na regulasyon ng Senado at sa mga precedent mula sa impeachment rules ng Estados Unidos.

“In fact, nagpalabas kami ng sulat niyan, … We simply reduced it in writing, informing them among others of the position taken by the Senate President as part of my job to take proper order of the subject of impeachment in accordance with our rules right now,” ayon kay Escudero.

Binigyang-diin niya na hindi tatawagin ang isang all-senators caucus, dahil ang mga procedural na usapin ay dapat resolbahin batay sa umiiral na mga panuntunan sa halip na sa malawakang deliberasyon.

Sa halip, nagpadala na ng opisyal na komunikasyon sa mga senador na naglalaman ng procedural framework, kabilang ang isang kalendaryo ng mga aktibidad at mga espesyal na tungkulin para sa mga opisina ng Senado.

“Mabuting gawing formal para kung may gustong mag-question at may gustong mag-akyat sa korte. Para pag nagsimula na ito tuloy-tuloy na,” ani Escudero.

Iginiit ni Escudero na walang nakatakdang resulta ang impeachment process, dahil ang Senado ang magpapasya nang kolektibo pamamaraan na gagawin dito.

“Isa ito sa tatalakayan at pagbapasyahan ng Senado kapag kami nag-resume. Hindi ito nakaukit sa bato at lahat pwede magbago” paglilinaw niya.

Ipinakita ng Senate President ang isang pansamantalang timeline upang maiwasan ang hindi kinakailangang pagkaantala dahil sa mga teknikalidad at procedural na katanungan sa hinaharap.

Inaasahang maaaprubahan ang impeachment rules pagsapit ng Hunyo 2, habang ang presiding officer ay magsasagawa ng panunumpa sa mga senator-judges.

Maaaring ipalabas ang mga summons pagsapit ng Hunyo 4, na susundan ng pagbasa ng magkabilang panig mula Hunyo 14 hanggang 24.

“At roughly from June 24-25 ang pre-trial,” sabi ni Escudero.

Dagdag pa niya, alinsunod sa mga legal na requirement, kailangang gawin ang pre-trial sa loob ng isang buwan mula sa huling pagbasa. Kung magkakasundo ang Senado, inaasahang magsisimula ang presentation of evidence pagsapit ng Hulyo 30.

“At inaasahan namin sa susunod na haroon, July 30, kung yan ang napagkasunduan ng mayorya, ay magsisimula na ang presentation of evidence,” aniya.

Ang nakatakdang timeline ay naglalayong tiyakin na lahat ng procedural na aspeto ay malinaw na bago pa man magsimula ang mga pagdinig upang maiwasan ang pagkaantala dulot ng mga teknikalidad at procedural na katanungan.

Binigyang-diin ni Escudero na ginagawa ng Senado ang kinakailangang mga hakbangin upang mapanatili ang kaayusan at igalang ang due process alinsunod sa kanilang constitutional mandate.

Muling iginiit niya na ang kanilang paghahanda ay alinsunod sa legal na obligasyon at hindi nangangahulugan ng isang tiyak na resulta.

“Ulitin ko, bahagi ito ng tinatawag nating quote, taking proper order of the subject of impeachment sa panig at parte ng Senate President na nakasaad, nakapaloob sa section 1 ng Rules on Impeachment ng Senate,” aniya.

Bilang bahagi ng mga paghahanda, nagpanukala rin ang Senado ng budget upang tugunan ang anumang hindi inaasahang gastos na maaaring lumitaw sa panahon ng proseso.

“At gumawa na rin ng proposed budget kaugnay noon dahil baka may unforeseen expenses na kailangan namin paglaanan,” dagdag ni Escudero.

Kinumpirma rin ng pinuno ng Senado na ang lahat ng senador ng Ika-19 na Kongreso ay manunumpa bilang senator-judges, dahil mananatili ang kanilang termino hanggang Hunyo 30, kabilang ang mga re-electionist.

“Sila’y bahagi pa rin ng 19th Congress. Lahat ng senador ng 19th Congress ay mag-oath dahil ang termino nila ay matatapos sa June 30 pa lamang ano man ang mangyari dun sa 7 re-eleksyonista kaugnay na hinaharap na eleksyon,” paliwanag niya.

Tiniyak ni Escudero sa publiko na mananatiling prioridad ang transparency at lahat ng desisyon ay daraan sa debate at pormal na kasunduan sa loob ng Senado.

Aniya, sa pagpapatuloy ng sesyon ng Senado, kolektibong magpapasya ang mga senador ukol sa magiging direksyon ng proseso batay sa pinagkaisahang desisyon ng mayorya.