Hontiveros

Sen. Risa sa Divorce bill: ‘Wag ipagkait ang bagong buhay sa kapwa tao natin

June 6, 2024 PS Jun M. Sarmiento 129 views

WALANG karapatan ang sinuman na magdesisyon para sa buhay ng isang tao na gusto mamuhay ng maayos o magbagong buhay matapos magkamali ng desisyon lalo na sa pag-aasawa, ayon kay Sen. Risa Hontiveros.

Sino ba tayo para ipagkait ang isang panibagong buhay para sa kapwa tao natin?” tanong ni Hontiveros.

Sinabi ni Hontiveros, Deputy Minority Leader sa Senado, na napakalaking bagay na 54% na Pilipino ang todo suporta sa Divorce para sa Pilipinas.

Inamin ni Hontiveros na nakakalungkot ito kung hindi man lamang bibigyan ng boses at pagkakataon ang Divorce law gayong napakarami namang mga batas na hindi nga kasama sa prioridad o hindi bahagi ng Legislative Executive Development Advisory Council (Ledac) ngunit nakakapasa sa Senado.

Nagsabi si Hontiveros na patas na laban lamang ang kanilang hinihingi sa Senado na mabigyan ng schedule upang mapakinggan at mapag usapan at higit sa lahat ay mapagbotohan ang Divorce bill.

Inaasahan ni Hontiveros na hindi ito patutulugin at babalewalain na lamang ulit ng Senado na siyang nangyari sa mga nagdaan Kongreso.

“Sa totoo lamang po, who are we to deny this to these people to live again? Siguro po importante na mapakinggan din natin ang hinaing ng marami nating kababayan na nasa isang miserableng sitwasyon, nakataya ang mga buhay nila gayundin ng kanilang mga anak dahil kadalasan nauuwi ang kanilang pag aaway sa isang bayolenteng sitwasyon ngunit walang magawa dahil walang batas na diborsyo sa bansa,” paliwanag ng senadora.

Ang reaksyon ni Hontiveros base sa sinabi ni Senate President Pro Tempore Jose Jinggoy Estrada na close fight ang labanan sa Senado pagdating sa Divorce bill.

Hindi naman daw ganuon kakumbinsido si Hontiveros na walang pupuntahan ang isyu ng diborsyo sa Senado sa kabila ng katotohanan na pinaghirapan ito ng kanilang mga kasama sa Kamara de Representante na pag usapan at pinagdebatehan.