Risa

Sen. Risa Hontiveros: Sangkot sa human trafficking, torture, kaugnay ng POGO dapat managot

April 29, 2025 PS Jun M. Sarmiento 60 views

“DAPAT LANG MANAGOT!”

Ito ang iginiit ni Deputy Minority Leader Senador Risa Hontiveros kung saan ay ipinunto niya ang pangangailangan ng buong pananagutan kasunod ng pagsasampa ng kasong human trafficking laban kay dating presidential spokesperson Harry Roque, Cassandra Li Ong, at iba pa na umano’y sangkot sa ilegal na aktibidad sa Porac POGO hub sa Pampanga.

Inilarawan ni Hontiveros ang kaganapan bilang “justice in motion,” habang binigyang-diin niya ang malawak na ebidensyang nakalap sa mga pagdinig ng Senado, kabilang ang mga dokumento, testimonya, at mga ulat na nag-uugnay sa mga kriminal na gawain.

“Our Senate hearings uncovered a mountain of evidence—documents, testimonies, undeniable links—that exposed the depth of their involvement in the Porac POGO hub,” aniya.

Ang mga kasong isinampa ay nag-ugat sa umano’y pagkakasangkot sa human trafficking, torture, at pagpapatakbo ng mga operasyon na sumusuporta sa ilegal na online gaming activities.

Binigyang-diin ni Hontiveros na lahat ng sangkot ay kailangang panagutin sa pamamagitan ng tamang legal na proseso.

“All those who played a role in human trafficking, torture, and deceit that enabled the massive illegal operations of POGOs will answer before the law,” pahayag niya.

Bukod dito, nanawagan si Hontiveros para sa agarang pagbawi ng mga ari-arian ng mga akusado, iminungkahing gamitin ang mga makukuhang pondo upang tulungan ang mga naging biktima.

“Sana ma-forfeit ang assets nila sa lalong madaling panahon at magamit ng pamahalaan para tulungan ang mga nabiktima nila. Kung gaano kalaki ang POGO sa Porac, ganun din karami ang dami ng nabiktima,” dagdag pa niya.

Ayon sa mga ulat, nagsampa ng kaso ang Department of Justice (DOJ) laban kina Roque, Ong, at higit sa 40 iba pa sa Angeles City Regional Trial Court.

Kabilang umano sa mga kasong isinampa ang qualified human trafficking at iba’t ibang bilang ng human trafficking.

Ang Lucky South 99 POGO facility sa Porac, kung saan naganap ang mga umano’y pag-abuso, ay sinalakay at ipinasara ng mga awtoridad noong Hunyo 2024 matapos ang mga paratang ng illegal detention, torture, at scamming operations.

Samantala, itinanggi ni Roque ang mga akusasyon, inilarawan ang pagkakasangkot niya sa kaso bilang isang “afterthought” at iginiit na walang ebidensya na direktang nag-uugnay sa kanya sa human trafficking. Ipinabatid din na si Roque ay naghahanap ngayon ng asylum sa Netherlands.

Pinuri ni Hontiveros ang DOJ sa kanilang pagsisikap, at nagpahayag ng tiwala sa integridad ng proseso ng hustisya.

“I applaud the DOJ for relentlessly working on this case. Tiwala ako na makakamit din ang hustisya,” aniya.

Ang kasong ito ay bahagi ng mas malawak na pagsisikap ng pamahalaan na buwagin ang mga ilegal na operasyon ng POGO sa buong bansa, na naging pokus ng mga imbestigasyon dahil sa mga alalahanin kaugnay ng kriminalidad at paglabag sa karapatang pantao.