Guo

Sen. Risa: Hearing kay Mayor Guo di ‘Sinophobia’

May 28, 2024 PS Jun M. Sarmiento 83 views

NILINAW ni Sen. Risa Hontiveros na hindi “Sinophobia” o pagiging Intsik ni Bamban Mayor Alice Guo ang direksyon ng imbestigasyon ng kanyang komite kundi ang mga krimen na ugat ng raid sa compound na umano’y pag-aari ng kontroversiyal na mayor.

Sinabi ng senador na nalilihis ang atensyon ng ibang tao sapagkat ang punto ng imbestigasyon ang patunayan na kwestionable ang mga paglalahad ng mayor ng Bamban at ang matinding koneksyon diumano niya sa mga sindikato na nag-o-operate sa kanyang lugar.

“This is all about POGO and the criminalities. This is all about national security, criminal activities, accountability in public service and the rights and welfare of women and children, as well as the structural failure of our system to regulate POGO.

Dahil sa imbestigasyon ng Senate Committee on Women, natuklasan namin kung paano ang POGO konektado sa prostitution, konektado sa illegal recruitment at detention.

Sa mahabang panahon nakita natin konektado siya diyan sa pastillas scam. At ngayon dumako na nga dito sa human trafficking, sa crypto scamming, money laundering,” ani Hontiveros.

Matatandaan na kinondena ni anti-crime advocate Teresita Ang-See ang paraan ng imbestigasyon ni Hontiveros dahil nalilihis sa isyu na dapat aniyang nakatuon sana sa mga krimen ngunit nagiging sanhi ng galit sa mga Tsinoy.

“Dalawa pa nga sa kasosyo ni Mayor Alice Guo sa Zun Yuan sa Bamban prime suspect sa pinakamalaking money laundering case sa Singapore.

Tapos dito sa Bamban POGO nakita natin posibleng ang POGO konektado pa sa espionage. So national security na rin,” ani Hontiveros.

Iginiit din ni Hontiveros na siya mismo may dugong Tsino dahil ang kanyang lola sa tuhod purong Intsik at wala daw rason para gawin niyang isyu ang bagay na ito.

“Hindi po laban ito sa mga Filipino-Chinese natin na kababayan or sa mga Chinese kundi base sa ebidensya na nakalap sa nagdaan na raid.

The revelations about Mayor Alice Guo came out after evidence of her complicity in POGO-related crimes. At ang ibang ebidensiya galing mismo sa kanyang mga salita,” paliwanag ng senadora.

“Kumbaga walang mabuting idinulot ang POGO, panay kasamaan. At mismo sa labi ni Mayor Alice Guo, naitanong tuloy yung ibang mga issue tungkol sa kanyang sarili.

Dahil bakit ang isang mayor na lumalabas na malalim ang koneksyon sa POGO, meron pang ibang mga misteryo tungkol sa personal niya. Naitatanong tuloy, bakit ba inililihim yung mga yun?

Meron bang mas malaking aktor pa maaring sa labas ng ating bansa na nasa likod niya at nasa likod ng lahat ng ito na ginagamit lang ang POGO bilang cover?” paglilinaw ni Hontiveros.