Revilla

Sen. Revilla tuloy ang pagtulong sa mga kapus-palad

June 14, 2024 Edd Reyes 154 views

HINDI naging hadlang ang patuloy na pagpapagaling sa tinamong Achilles tendon injury ni Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr. upang ituloy ang pagtulong sa mga kapus-palad na mamamayan sa iba’t-ibang panig ng bansa.

Nitong Huwebes, mahigit 2,000 benepisyaryo sa lalawigan ng Quirino ang nabigyan ng pinansiyal na tulong ni Sen. Bong Revilla sa pakikipagtulungan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), na aniya ay bahagi lamang ng kanilang tungkulin na matiyak na makakarating ang kaukulang tulong sa mga higit na nangangailangan mula sa pamahalaan.

Kinatawan ni Provincial Board Members League of the Philippines (PBMLP) President Ram Revilla ang Senador nang magtungo sa lalawigan kung saan mainit siyang sinalubong ng mga residente at nina Gov. Dax Cua at Congresswoman Midy Cua.

Nauna rito’y naging panauhing pandangal si Sen. Bong Revilla, bilang tunay na dugong Caviteño sa pagdiriwang ng ika 126 na taong anibersaryo ng Araw ng Kalayaan sa Kawit, Cavite kung saan pinangunahan niya ang pag-aalay ng bulaklak at pagtataas ng watawat ng Pilipinas sa Dambana ni Emilio Aguinaldo.

Sa kanyang mensahe, sinabi ng Senador na daang-taon man ang lumipas ay hindi malilimutan ang sakripisyo ng mga ninuno na dapat aniyang tanawing utang na loob dahil sila ang dahilan upang maalis ang tanikalang bumihag sa ating Inang bayan sa pamamagitan ng pag-aalay ng dugo at buhay upang makamit ang tinatamasang kasaganaan, kapayapaan, at kalayaan.

Magugunita na noong taong 1998, gumanap bilang si Pangulong Emilio Aguinaldo si Sen. Bong Revilla, na noon ay gobernadora ng Cavite, kasabay ng pagdiriwang ng ika-100 taong anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.

AUTHOR PROFILE