
Sen. Lito ayaw ma-Eddie Garcia, ingat na sa buwis-buhay scenes
Ikinatutuwa ni Sen. Lito Lapid na buhay na buhay na naman ang action genre sa telebisyon.
In fact, ang dalawang giant network na ABS-CBN at GMA-7 ay parehong action ang ipinalalabas sa primetime, ang FPJ’s Batang Quiapo ni Coco Martin at ang Black Rider ni Ruru Madrid.
“Kasi ‘pag action ang ginawa, maraming nakikinabang. Mga extra, mga stuntman at maraming taong ginagamit,” sey ng action star/politiko sa early Christmas lunch with the entertainment press kahapon.
“Kita mo ‘yung Batang Quiapo, ‘yung simbahan ng Quiapo, pupunuin ng extra ‘yan, daming nakikinabang,” aniya.
Isa si LL sa cast ng FPJBQ at hindi maikakailang napakalaki ng kanyang kontribusyon sa programa bilang si Supremo, lalo na nga pagdating sa action scenes.
At his age, kayang-kaya pa ni Sen. Lito ang mabibigat na action scene at take note, siya talaga ang gumagawa ng stunts niya at ayaw niyang magpa-double.
“Alam kasi ng tao, stuntman ako, kahit noong nag-uumpisa ako sa Jess Lapid Story, hindi tayo nagpapa-double,” sey niya.
Pero aminado naman siya na maingat na rin siya sa paggawa ng mga buwis-buhay na eksena dahil hindi na siya bumabata.
“Medyo umiilag na rin ako. Siyempre, may edad na rin, eh. Ang sinasabi nila, baka ma-Eddie Garcia ako, huwag naman sana. At ‘yun nga, nag-iingat na rin ako, baka ang iniisip ko, kaya ko, ‘yun pala, ang katawa ko, hindi na. ’Yun ang ikinakakaba ko,” sey ni Supremo.
Good thing, sa tinagal-tagal niyang gumagawa ng action ay wala pa naman siyang aksidente.
“Sa tagal-tagal ko sa pelikula, ang dami ko nang kababalaghan na ginawa, mga stunt, mga ganito, hinahampas sa mesa, pero wala pa akong bali hanggang ngayon. Sana, huwag naman,” pahayag ni LL.
Kaya pa naman daw niya ang mabibigat na action scenes at minsan daw ay inaawat na lang siya ng production.
“Minsan gusto kong tumalon, minsan, tinanggal ang camera nu’ng direktor, sabi niya, ‘wag, hindi naman kailangan,’” kwento niya.
Pagdating naman sa pulitika, ayaw na niyang magsalita nang tapos kung tatakbo pa siya o hindi na dahil nagsalita na siya noon na hindi na siya kakandidato pero nakumbinsi ulit siya nitong nakaraang eleksyon at nanalo naman siya.
“Last term na naman ako dito, kaya sinasabi ko, bahala na. Ayokong magsalita nang patapos, baka hindi ko na naman matupad,” aniya.