Default Thumbnail

Sen. Bong Revilla convoy

November 17, 2023 Allan L. Encarnacion 323 views

Allan EncarnacionHINDI ko masisi si Senador Bong Revilla kung parang bulkan siyang sumabog sa galit kay MMDA Task Froce Chief Col Bong Nebrija matapos maakusahang pinalusot nila ang convoy nito nang dumaan sa Edsa busway nitong Miyerkules ng umaga.

Napakapangit nga naman kasing tingnan na “pinalusot” ang senador nang dumaan sa Edsa busway samantalang hinuhuli ng MMDA ang ibang violators.

Ang sama kaya ng dating na marinig mong pinadaan sa maluwag na busway ang senador habang ang mga ordinaryong motorista ay nagtitiis sa matinding pagsisikip ng mga sasakyan sa kahabaan ng Edsa. Para tayong naisahan pag ganoon!

Magagalit ka talaga kay Senador Bong kung totoo ang sinabi ni Col. Bong Nebrija na lumabag ito sa batas pero pinadaan at inabsuwelto lang.

Ako man ang makarinig ng ganitong balita, magtatanim ako ng galit kay Senador Bong at hindi ko na siya iboboto sa 2025 election, lalo na’t reeleksiyunista pa naman siya!

Ang problema, na-fake news si Col. Nebrija ng kanyang traffic enforcer na nagreport sa kanya, lalo na’t sinabi nito na nagbukas pa nga ng bintana ng sasakyan si Revilla—at kumaway pa!

Pero napabalikwas si Revilla sa balita ng umagang-umaga ng Miyerkules habang nagkakape siya sa kanilang bahay sa Cavite! Sabi siguro niya, may kakambal ako?

Paano nga naman daw mangyayari na dumaan si Revilla sa Edsa Mandaluyong ng umaga ng Miyerkules gayong halos
madaling araw na siya nakauwi mula sa maghapon hanggang hatinggabing budget hearing sa Senate mula Martes hanggang Miyerkules ng ala-una ng madaling araw?

Imposible nga naman ito kaya halos umapoy sa galit ang Panday at nagbuhat ng kanyang mahiwagang barbel na halos ihagis kay Nebrija.

Pero lumitaw sa imbestigasyon na nagkamali nga si Nebrija dahil hindi naman pala niya personal na nakita si Revilla sa Edsa at dumepende lang siya sa Marites na traffic enforcer na nagreport sa kanya. Iyon ang kanyang pagkakamali, naniwala sa eksaheradong tsismis!

Ito ang catch, alam nyo ba kung bakit parang sumabog na picollo si Revilla matapos mapagbintangang dumaan sa Edsa busway kahit ipinagbabawal? May pinaghuhugutan ito na bihira lang ang nakakaalam pero sasabihin ko na sa inyo para alam nyo kung saan nanggaling ang kanyang galit.

Noong panahon ng yumaong Pangulong Noynoy sa Malacanang, nagtext ito kay Sen. Revilla. Akala siguro ni Bong, love message at kukumustahin lang siya ni Noynoy.

Ayon kay Noynoy, may nagreport sa kanya tungkol sa convoy ni Revilla na humahagibis sa bandang highway sa Alabang at walang habas na gumagamit ng wangwang. Hindi ito ang eksaktong text message pero parang ganito: May nakakita sa sa iyo at sa convoy mo na humaharurot habang nakawangwang sa Alabang.

Alam naman natin lahat na ang highlight ng inaugural speech ni Noynoy ay “walang wangwang, walang counterflow.” Iniisip ng dating Presidente na tahasan siyang sinusuway ni Revilla sa paggamit ng wangwang kaya ito nagtext sa Senador.

Para mag-text sa iyo ang Presidente ng Republika at pagsabihan kang lumabag sa “no wangwang policy”, aba’y malalim ang kahulugan nyan.

Ang problema lang, sumagot ng text si Sen Bong. Natural naman na hindi rin ito palalagpasin ni Bong dahil Pangulo ang sisita sa iyo, hindi lang Highway Patrol. Ganito ang sagot ni Bong: Mr. President, hindi po ako iyon dahil narito ako sa bahay namin at may trangkaso.”

Tumahimik ang ere, hindi na sumagot si Noynoy. At sabi nga, the rest is history.

Ano aral dito? Hindi naman karaniwang opisyal si Col. Nebrija para magpakawala siya ng maling balita. Alam naman nating hindi ito sinadya ni Nebrija at wala itong masamang motibo or kulay pulitika.

Mas gusto natin itong tingnan bilang honest mistake or negligence sa bahagi ni kernel.

Pero water under the bridge na ito, humingi na ng dispensa kay Revllla ang MMDA at si Nebrija. Pinatawad na rin sila ni Sen Bong kaya dapat ay pumayapa na ang isyung ito.

Ang isa pang moral of the story dito, huwag tayo basta nanghuhusga, ingatan natin ang mga impormasyong inilalabas natin, lalo na’t kung makakasira ng ibang tao.

[email protected]