Revilla

Sen. Bong nanghinayang sa ‘Alyas Pogi 4’

June 10, 2024 Vinia Vivar 146 views

Dalawang buwan matapos maoperahan sa kanyang Achilles tendon, nagbigay ng latest update si Sen. Bong Revilla sa kanyang kundisyon sa pamamagitan ng live session sa Facebook.

Ipinagmalaki ng action star/politiko na on the road to recovery na siya at natutuwa siya sa mabilis niyang paggaling.

Ang sabi ng doktor ay three to six months ang recovery period niya. Pero dalawang buwan pa lang ay malaki na ang improvement ng naoperang paa.

“It’s our second month, two months na tayo kaya napakabilis din ng ating recovery,” sambit niya.

“After three months, baka makabalik na tayo sa sapatos,” aniya pa.

Nakakapagsayaw-sayaw na nga raw siya ngayon at mula sa dalawa, isa na lang ang kanyang saklay.

Ipinakita rin ni Sen. Bong ang mga workout na ginagawa niya para palakasin ang kanyang paa.

“Hindi tayo pwedeng sumuko dito. Kundi sayang lahat ‘yung pinaghirapan natin. Laban lang,” sey niya.

Thankful din siya kay Lord na binibigyan siya ng tapang para malampasan lahat ito.

“God is so good, at least, eh, binibigyan niya tayo ng sapat na tapang para harapin ito,” pahayag pa ni Sen. Bong.

Inamin ng action star na hindi rin naging madali para sa kanya ang pagpapagaling at mahirap daw pala na isa lang ang paa. Kaya ang payo niya sa madlang people ay alagaan ang ating katawan.

“Napakahirap na isa lang ang paa mo kaya ang dami kong natutunan dito. Kaya alagaan natin ang ating paa, kamay, lahat, actually sa buong pangangatawan,” sey niya.

Ipinakita nga rin niya ang suot niyang fake na paa na tinanggal na ang isang part which means halos magaling na siya talaga.

“Laking bagay po na nawala ‘to, at least, road to recovery na, bumabalik na ‘ko sa normal,” pagbabahagi pa niya.

Proud din na ipinakita ng action star/politiko isa na lang ang kanyang saklay ngayon.

Sa naturang live session ay nabanggit din ni Sen. Bong ang kanyang panghihinayang na hindi na niya maisasama ang comeback film niya na Alyas Pogi 4 sa Metro Manila Film Festival 2024 dahil nga sa kanyang operasyon.

Pero siniguro naman niya na next year ay babawi siya.

“Sayang ‘yung Alyas Pogi natin. ‘Yung Alyas Pogi sana, kasama sa Metro Manila Filmfest. ‘Di bale, hindi man tayo umabot ngayon, sa susunod, next year. Not meant,” aniya.

Inanunsyo rin niya na mayroon silang niluluto ng GMA-7 kaya mapapanood daw siya bago matapos ang taon.

“Bago mag-December, makikita n’yo ulit ako sa GMA. Mayroon kaming niluluto. Kaya mga Kapuso, abangan n’yo ulit,” he said.

Matatandaan na noong nakaraang Abril ay nagkaroon ng injury si Sen. Bong habang isinu-shoot ang Alyas Pogi 4.

Dahil sa bilis ng kanyang takbo ay napunit ang kanyang Achilles tendon kaya kinailangan itong operahan.

AUTHOR PROFILE