Bong Sen. Bong Revilla

Sen. Bong naghain ng Senate Resolution No. 1339 bilang pagbibigay-pugay sa yumaong superstar Nora Aunor

April 22, 2025 Eugene E. Asis 65 views
Nora1
Nora Aunor

NAGPAHAYAG ng taos-pusong pakikiramay si Senador Ramon Bong Revilla, Jr. sa pagpanaw ng Pambansang Alagad ng Sining at alamat ng pelikulang Pilipino na si Nora Aunor noong ika-16 ng Abril, 2025. “Lubos akong nagdadalamhati sa pagpanaw ng isang tunay na alamat ng sining at kulturang Pilipino. Si Ate Guy ay isang inspirasyon, hindi lamang sa aming mga kapwa artista kundi sa bawat Pilipinong nangangarap at nagsusumikap. Sa loob ng maraming dekada, siya ang naging tinig, mukha, at damdamin ng sambayanang Pilipino,” pahayag ng aktor at mambabatas.

Bilang pagpupugay sa pagpanaw ni Aunor, inihain ni Senador Bong Revilla ang Senate Resolution No. 1339 upang ipahayag ang kanyang taos-pusong pakikiramay at pagkilala sa hindi matatawarang ambag ng batikang aktres sa pelikula at kulturang Pilipino.

Si Nora Aunor, kilala ng marami bilang “Ate Guy,” ay unang nakilala matapos niyang manalo sa patimpalak na *Tawag ng Tanghalan* noong 1967 sa pamamagitan ng kanyang pagtatanghal ng kantang “Moonlight Becomes You.”

Kalaunan, tinagurian siyang “The Girl with a Golden Voice” at naglabas ng mahigit 500 kanta tulad ng “Pearly Shells,” “Handog,” at “People.” Sinundan ito ng kanyang matagumpay na karera sa pag-arte, kung saan umabot sa mahigit 170 pelikula ang kanyang pinagbidahan at umani ng maraming parangal—kabilang ang pitong Gawad Urian Best Actress awards.

Tatlong beses din siyang pinarangalan bilang “Natatanging Aktres ng Dekada,” naging miyembro ng FAMAS Hall of Fame, at ginawaran ng lifetime achievement awards mula sa Film Academy of the Philippines, Cultural Center of the Philippines, at National Commission for Culture and the Arts. Nakilala rin si Nora Aunor sa buong mundo.

Siya lamang ang natatanging Pilipinang aktres na ginawaran ng mga parangal mula sa limang magkakaibang kontinente, kabilang ang Best Actress sa *Cairo International Film Festival (1995)* para sa The Flor Contemplacion Story, Best Actress sa *Malaysia (1997)* para sa Bakit May Kahapon Pa?, Best Actress sa *Brussels International Independent Film Festival (2004)* para sa Naglalayag, *Asia Pacific Screen Award (2013)* para sa Thy Womb sa Australia, at kinilala bilang isa sa *10 Asian Best Actresses of the Decade (2010)* sa North America.

Noong 2022, kinilala si Nora Aunor bilang *Pambansang Alagad ng Sining para sa Pelikula at Sining sa Pag-broadcast*, isa sa pinakamataas na pagkilalang maaaring igawad sa mga Pilipinong alagad ng sining.

“Ate Guy, katulad ng paborito mong awitin na ‘I’ll Never Find Another You’, wala na kaming makikilalang katulad mo. *We will never find another you.* Nag-iisa ka, at labis ka naming mami-miss.

Paalam sa isang tunay na Superstar,” ani Sen. Bong na puno ng emosyon.

AUTHOR PROFILE