Default Thumbnail

Sekyu tigok sa stray bullet, target nakatakas

September 28, 2023 Edd Reyes 452 views

PATAY ang isang security guard nang tamaan ng ligaw na bala sa barilan ng mga pulis at sumemplang na rider Huwebes ng madaling araw sa Caloocan City.

Namatay si Ariel Clavido, security guard ng Bank of Philippine Island (BPI), nang tamaan ng bala sa katawan at nakatakas naman ang rider na nakabarilan ng mga pulis.

Sa ulat kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga tauhan ng East Grace Park Police Sub-Station 2, sa pangunguna ni P/Lt, Jherico Pascual sa Rizal Avenue Ext., nang parahin nila ang lalaking naka-motorsiklo na walang helmet.

Pero sa halip na huminto, tumakas ang suspek kaya nawalan siya ng kontrol at sumadsad sa island sa pagitan ng 2ndat 1st Avenue sa Brgy. 41 sa Rizal Avenue Ext.

Nang makabangon, bumunot ng baril ang suspek at pinaputukan ang mga humahabol na pulis na kaagad ding gumanti ng putok.

Napatigil lamang sa pagpapaputok ang mga pulis nang makita nilang bumulagta ang security guard na tinamaan sa palitan ng putok. Sinamantala ito ng rider para tumakas patungong Maynila.

Nakuha ni P/Capt. Valentine Mangoga ng Northern Police District (NPD) Forensic Unit ang siyam na basyo ng bala, dalawang bala at isang metallic jacket fragments ng hindi pa batid na kalibre ng baril.

Ayon kay Col. Lacuesta, kasama sa kanilang iimbestigahan, batay sa normal na proseso ng pagsisiyasat, ang mga sangkot na pulis sa naganap na barilan para matukoy kung sino ang nakapatay sa security guard.

AUTHOR PROFILE