
Seguridad sa tubig isinusulong ni Tolentino
ITINUTULAK ni Sen. Francis “Tol” Tolentino ang patuloy na pagpapaunlad ng water sources sa buong bansa upang makamit ang seguridad sa tubig para sa Pilipino, isang pangunahing karapatang pantao.
Sa pakikipag-usap kay Local Water Utilities Administration (LWUA) Administrator Vince Revil noong Sabado, binanggit ni Sen. Tolentino ang ilang pinagmumulan ng tubig tulad ng mga talon at dam at ang pangangailangang amyendahan ang Building Code of the Philippines upang maisama ang mga disenyong ginagamit sa pag-recycle tubig at tubig-ulan para sa muling paggamit ng mga residente ng gusali.
Binanggit din niya ang water-impounding law bilang umiiral na polisiya ng gobyerno na nag-aatas sa lahat ng barangay na mag-develop ng water systems sa kanilang mga lokalidad para matiyak ang supply ng tubig sa mga residente.
Hinikayat ni Sen. Tolentino ang LWUA na gamitin ang science and technology, upang sa katagalan ay makabuo ng mga teknolohiya kung paano i-recycle ang tubig at tubig-ulan para sa muling paggamit.
Sinabi rin niya kay Administrator Revil ang kasaganaan ng water sources, tulad ng naobserbahan niya sa Cebu na napakaraming talon na maaaring i-develop at kung paano ang mga ito makatutulong sa mga katutubong komunidad na magkaroon ng malinis na tubig.
“Makikita mo may mga sources talaga tayo ng tubig, and yet, sa buong Pilipinas may nagsasabi na kulang tayo sa tubig, lalong-lalo na sa mga indigenous communities natin. Papano mata-tap ng water districts ang unutilized water sources? Papano maseserbisyohan ang mga katutubong komunidad?” ayon kay Sen. Tolentino.
Gayunpaman, pinuri ng mambabatas ang kasalukuyang programa ng LWUA na sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ay target ang pagtatayo ng karagdagang 200 water districts sa buong bansa. Sa kasalukuyan ay mayroon itong 532.
Sinabi ni Administrator Revil na humigit-kumulang 22 milyong Pilipino ang konektado sa mga water system ng mga water districts sa labas ng Metro Manila, kung saan humigit-kumulang 12 milyon ang water consumers.
Aniya, ang kasalukuyang administrasyon, mula 2023-2028, ay nagpapatupad ng water security program, “Patubig sa Buong Bayan at Mamamayan (PBBM),” na layong pataasin ang koneksyon ng tubig sa 7.2 milyong Pilipino sa loob ng limang taon.
Iginiit ni Sen. Tolentino ang patuloy na pag-unlad ng water sources sa bansa sa gitna ng mga hamon ng Climate Change at paglobo ng populasyon.