Default Thumbnail

Scarcity Mentality

December 16, 2022 Magi Gunigundo 779 views

Magi GunigundoNOONG aking kabataan, pagalingan ng talumpati at halaga ng prinsipyo at magkaparehong pangarap ng bagong umaga ang naghahatid ng panalo sa kandidato. Ngayon, matinding mangusap ang pera sa pagkumbinsi sa mga botante na iboto ang kandidato. Hindi biro ang laki ng gastusin upang makapagkampanya sa social media, magdaos ng caucus, house to house, magpatugtog ng jingle sa trompa sa umiikot na roving patrol, pagkakabit ng posters at tarpaulin , pamumudmod ng polyeto at mga give-away tulad ng t-shirt at pamaypay, pagkain at allowances ng campaign team at pollwatchers , at pamimigay ng tulong sa mga nanghihingi ng pambili ng gamot, pagkain, bayad sa kuryente at tubig, abuloy sa patay, pa raffle sa party , pakimkim sa binyag, kasal at birthday.Hindi nababawasan, bagkus ay lalong dumarami ang nanghihingi ng tulong.

Tanggap ng marami na wala ng magbabago pa sa kanilang mga buhay bilang maralita kahit sino pa ang mamuno sa pamahalaan kaya tuloy pati ang mahalagang boto, na simbolo ng pagkakapantay-pantay ng tao sa isang demokrasya, ay pinagpapalit ng pera sa panahon ng halalan. Ang mga pinunong pampulitika ay inihalal na ngayon dahil sa kanilang kapasidad na magbigay ng mga pabor sa ekonomiya. At kahit mga simbahan ay kasapakat na rin sa sistemang negosyo ang pulitika.

Alam ng lahat na ipinagbabawal ang pamimili at pagbebenta ng boto. Kung nauunawaan ba ng tao kung bakit bawal ito ay magandang tanong na dapat ipasagot sa sarbey. Ngunit para sa maralita, hindi masamang magMarites na mabait ang isang kandidatong galante at maayos makitungo at nagpapakita ng malasakit at pag-unawa sa kanilang katayuan bilang maralita.( Hicken, 2007) Kanya naman kung pipili ng kandidato, doon sa may pera lalagay ang maralita at hindi doon sa may prinsipyo, matino, hindi sanggano at may taglay na programang pinapantay ang laban sa buhay ng mayaman at mahirap.

Makikita natin na ang mga maralita ay walang patumangga sa magiging epekto ng kanilang pasya sa kanilang bukas. Ang mahalaga ay mapawi ngayon ang kalam ng sikmura ng pamilya. Sinabi ni George Orwell na ang esensisya ng pagiging maralita ay ang pagkalipol ng kinabukasan nila ( Down and out in Paris and London, 1933).

Nakakabobo ang kahirapan kaya di na iniisip ng maralita paano ang bukas at epekto ng kanilang pagtangkilik sa negosyanteng pulitiko. Sa isang pag-aaral na isinagawa sa India sa mga magsasaka ng tubo na nangongolekta ng humigit-kumulang 60% ng kanilang taunang kita ng isang bagsakan pagkatapos mismo ng isang ani bawat taon( Poverty Impedes Cognitive function).

Nangangahulugan ito na sila ay medyo mahirap sa unang bahagi ng taon at mayaman sa huling bahagi. Sa IQ test na isinagawa bago at pagkatapos ng pag-aani, ang mga resulta ay nagsiwalat na ang mga magsasaka ay nakakuha ng mas malalang marka sa pagsusulit bago ang ani. Ang mga epekto ng pamumuhay sa kahirapan ay katumbas ng pagkawala ng 14 na puntos ng IQ. Iyan ay maihahambing sa pagkawala ng tulog sa isang gabi o sa mga epekto ng alkoholismo.

Sinabi naman ni Propesor Eldar Shafir ng Princeton University ( Scarcity: The new science of having less and how it defines our lives), na epekto lamang ito ng “scarcity mentality”–iba ang pag-uugali ng mga tao kapag nakikita nila ang isang bagay ay kakaunti– oras man, pera o pagkain. Sa ganitong konteksto, mali ang kadalasang pasya ng taong kapos.

Halimbawa, kapag marami kang dapat gawin ng sabay-sabay at kapos na sa oras, maaaring ipagpaliban mo ang tanghalian para magamit ang oras sa ibang gampanin ngunit ang epekto naman nito ay ang pagbagsak ng iyong asukal sa dugo na maaari mong ikahilo at himatayin ka. Dahil sa tindi ng kakulangan sa oras, wala ng panahon para magmuni muni at ang pangmatagalang pananaw ay lumalabas sa bintana. Ang mga maralita ay hindi gumagawa ng mga maling desisyon dahil sila ay taal na bobo. Nabubuhay sila sa isang konteksto kung saan sinuman ay madaling magkamali ng desisyon.

AUTHOR PROFILE