
SC pinayagan si David na tumakbong VM sa Limay
Pinayagan ng kautusan ng Korte Suprema (SC) na tumakbo bilang vice mayoral candidate sa Limay, Bataan sa halalan ngayong taon si Marie Grace David matapos unang tanggihan ng Commission on Elections (COMELEC) ang kanyang certificate of candidacy (COC).
Sinabi ng SC Public Information Office (SCPIO) na pinagbigyan ng mataas na hukuman ang petisyon ni Marie Grace David na humiling na baligtarin ang resolusyon ng COMELEC na nag-reject sa kanyang COC.
Pinagbigyan ng SC en banc ang petisyon ni Marie Grace David at permanenteng pinagbawalan ang poll body na ipatupad ang resolusyon nito noong Enero 2025.
Sa isang pahayag, sinabi ng SC na naghain si David ng kanyang COC at Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) noong Disyembre kasunod ng kanyang nominasyon sa ilalim ng Partido Federal ng Pilipinas bilang kahalili ni Richie Jason David.
Binawi ni Richie Jason ang kanyang COC noong Disyembre 6, 2024.
Naghain din si Marie Grace ng petition for substitution and inclusion sa opisyal na listahan ng mga kandidato o balota sa Comelec.
Gayunpaman, tinanggihan ng poll body ang kanyang paghalili, at nagdesisyon na nabigo umano si David na maghain ng kanyang COC at CONA sa loob ng itinakdang panahon sa pagsasabing ang deadline para sa substitution ay noong October 8.
Gayunman, sinabi ng SC na ang Comelec ay gumawa ng matinding pang-aabuso sa pagpapasya na hindi pinapayagan ang paghalili ni David.
“The SC ruled that the COMELEC committed grave abuse of discretion by disallowing the substitution of Marie Grace, finding that Marie Grace fully complied with the requirements of Sec. 77 of the Omnibus Election Code, and hence, is a bona fide candidate for the position of Vice Mayor of Limay, Bataan,” ayon sa SC.
“The SC thus permanently prohibited the COMELEC En Banc from implementing its assailed Resolution dated January 6, 2025 and related issuances,” dagdag nito.
Natuklasan na ganap na sumunod si David sa iniaatas ng Seksyon 77 sa ilalim ng Omnibus Election Code, na nagbibigay ng timeline para sa substitution, bilang isang bona fide na kandidato para sa posisyon.
Unang naglabas ang mataas na tribunal ng temporary restraining order (TRO) noong Enero 14 na pumipigil sa Comelec na ipatupad ang resolusyon.
Hinangan ng komento sa usapin, sinabi ni Comelec chairperson George Garcia na kasama na ang pangalan ni David sa mga balota dahil sa TRO.