Globe

Sari-sari store owners pinag-iingat vs shoulder surfing, iba pang online scams

April 2, 2025 People's Tonight 252 views

PINAG-IINGAT ng finance application na GCash ang mga sari-sari store owners laban sa mga bagong modus operandi ng scammers na “Screen Share,” “Video Share,” at “Shoulder Surfing” scams.

Ito’y makaraang ilantad ng GCash ang mga nasabing scams na karaniwang nagiging biktima ang mga inosenteng business owners lalo na ng mga sari-sari stores. Ito umano’y mga bagong uri ng social engineering tactics o panloloko na ginagamit ng mga scammers upang makuha ang MPIN at OTP ng mga user.

Ang “screen share” at “video share scams” ay karaniwang nangyayari sa mga social media messaging apps. Dito, inuudyok ng mga scammers ang mga user o may-ari ng sari-sari store na ipakita ang kanilang mobile phone habang isinasagawa ang isang transaksyon. Sa ganitong paraan, nagkakaroon sila ng pagkakataong makuha ang MPIN at OTP ng biktima.

Samantala, tinatawag namang “shoulder surfing” ang panonood o pagsilip ng scammers sa screen ng mobile phone ng isang user o may-ari habang isinasagawa ang online banking o e-wallet transaction upang makuha ang sensitibong impormasyon nito.

Kaya naman mas lalong pinaigting ng GCash ang kanilang babala laban sa mga scams upang hindi maging biktima ng mga ito ang publiko lalo na ang mga sari-sari stores.

“Alamin po natin ang mga bagong modus para hindi tayo mabiktima. Never share your MPIN, OTP, at siguruhin na walang nakakakita sa screen ng ating mobile phones tuwing gagawa ng transaksyon. Awareness ang panlaban natin sa mga scammers,” sabi ng GCash.

Pinaigting ng GCash ang kanilang paalala sa mga user na huwag kailanman ibahagi ang kanilang MPIN at OTP, iwasang mag-click ng mga kahina-hinalang link, at tiyaking hindi ipapakita ang screen ng kanilang mobile phone habang nagsasagawa ng online transactions.

Kasabay nito, patuloy silang nakikipagtulungan sa Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) upang labanan ang cybercrimes tulad ng scams at fraud. Hinihikayat din nila ang publiko na agad i-report sa mga awtoridad ang anumang scam incidents.

Patuloy umanong pinalalakas ng GCash ang kanilang adbokasiya na “Finance for All” at makapagtatag ng isang inklusibo at ligtas na financial ecosystem sa Pilipinas.

Para sa iba pang impormasyon, bisitahin ang https://www.gcash.com

AUTHOR PROFILE