
Sarah may halong lungkot ang birthday celebration
May kahalong lungkot na ipinagdiwang ni Sarah Geronimo ang kanyang ika-36 na kaarawan last Thursday, July 25.
Nagkataon kasing katatapos lang haguputin ng bagyong Corina ang Central Luzon at Metro Manila at napakaraming naapektuhang mamamayan dulot ng pagbaha sa iba’t ibang lugar.
Sa kanyang Instagram post ay sinabi ni Sarah na bagama’t nagpapasalamat siya sa kanyang buhay ay nagdurugo naman ang puso niya para sa mga kababayan na nasalanta ng kalamidad.
“Thankful for the gift of life and for everyone who has made my journey colorful and special.
“As I celebrate my birthday and blow out my candles, my heart also goes out to those affected by Typhoon Carina. Ipinagdarasal ko po lahat ng ating mga kababayang nasalanta ng bagyo at ngayon ay sinusubukang makabangon muli,” pahayag ng misis ni Matteo Guidicelli.
Kasunod nito ay pinasalamatan ni Sarah ang mga rescue teams sa ginawang pagsalba sa ating mga kababayan gayundin sa mga alagang hayop ng mga ito.
“Gusto ko rin magbigay-pugay sa ating mga matatapang na rescue teams na patuloy na nag-aalay ng kanilang buhay para siguraduhing ligtas ang lahat—pati na rin ang ating mga alagang hayop.
Napakalaki ng respeto ko sa mga kababayan natin na di pinabayaan ang kanilang mga alagang hayop sa kabila ng peligro na dulot ng bagyo,” aniya.
Patuloy niya, “Nakakabilib at nakaka-inspire po ang serbisyo, katapangan, at kabutihang-loob na walang sawa niyong binibigay. Kayo ang mga tunay na superheroes ng mundo na ito. Maraming maraming salamat.”
In-encourage rin niya ang kanyang followers na patuloy na magdasal para sa ating kababayan at tumulong sa relief operation.
Samantala, as always ay nagbigay ng sweet greetings kay Sarah ang mister na si Matteo sa kanyang Instagram account.
Aniya, “HAPPY BIRTHDAY my beautiful wife! Wishing you all the happiness, love, smiles, joy, laughter, and music in the world! I’ll always be here right beside you to support you and I’ll be cheering you on as you chase your dreams! Continue living with a pure heart and always remember anything is possible! I love you.”