Sanya

Sanya, ’di naiilang sa pagkaka-link kay Gabby

July 31, 2021 Ian F. Fariñas 398 views

TAPOS na ang airing ng Kapuso series na First Yaya pero dahil sa malaking tagumpay nito sa ere at sa lakas ng chemistry ng mga bidang sina Sanya Lopez at Gabby Concepcion, hanggang ngayon ay may mga nagli-link pa rin sa dalawa at naniniwala na meron nga silang ugnayan sa tunay na buhay.

Ito ay kahit pa malaki-laki ang agwat ng mga edad nila at common knowledge na pamilyado na ang aktor.

Kaya naman nilinaw ni Sanya ang isyu sa virtual mediacon na ibinigay ng GMA para sa renewal ng contract niya bilang Kapuso artist.

Anang aktres, “Naku po, masasabi ko lang po, ’yung closeness naming ganu’n? Hindi lang po ako ’yung ganu’n. Marami po kami, sa halos lahat ganu’n din po talaga si Kuya Gabby sa iba. Ang masasabi ko lang, napakaganda ng pagiging magkaibigan naming lahat sa First Yaya. At kung anuman po ’yung nakikita ninyo doon, ganu’n lang po kami. At sobrang comfortable lang po namin talaga sa isa’t isa.”

Nu’ng una, aminado si Sanya na naging maingat siya sa pakikitungo kay Gabby sa takot na mabigyan ng malisya o ibang kulay ang closeness nila.

Pero bandang huli, pinakalma daw siya ng aktor.

“’Yung ilang, siguro yes po, ’pag minsan, alam ko nga po na may family rin siya, so sasabihin ko sa kanya na ‘ganito,’ tapos sabi niya, ‘naku, magkakaibigan naman tayo rito and walang malisya sa lahat.’ So, ganu’n din ’yung thinking ko na ‘okay, wala namang malisya sa lahat.’ So, ganu’n kami sa First Yaya.

“’Yun nga lang po, (baka) minsan nami-misinterpret o nami-misunderstood ng iba ’yung mga katulad n’yan, mga behind the scene na photo namin o video. Sabi ko, ‘okay, ingat lang din tayo sa mga ganito,’ sabi po niya, ‘bakit ka matatakot kung hindi naman totoo?’ Well, sabi ko, ‘sabagay nga,’” patuloy na paliwanag ng aktres.

Hanggang ngayon, loveless at “No Boyfriend Since Birth” pa rin si Sanya.

Pero paglilinaw niya, “Of course, babae lang po ako. May nanliligaw naman po talaga sa akin. Yes po, may mga nanliligaw din naman sa akin. Pero sa ngayon po, hindi ko po kasi alam, minsan may mga guy din na sweet lang talaga sa ’yo at hindi mo alam kung nanliligaw ba sa ’yo o hindi… until sabihin mo sa akin na nanliligaw ka, ‘oo, pumunta ka rito’ alam kong nanliligaw ka. So, ganu’n ko lang po masasabi talaga. Sa ngayon, parang wala pa naman.”

Feeling ng dalaga, magiging unfair lamang siya sakaling mag-decide na magkaroon ng lovelife sa ngayon.

“Wala nga po akong time sa kanila, feeling din nila, balewala lang sila sa akin. Basta, hindi pa po ako nagkaka-boyfriend. Parang sa ngayon po, wala po talaga,” dagdag pa niya.

Hindi naman daw problema ang pagiging single sa kanya lalo pa’t naging malaking factor din ang First Yaya para makahanap siya ng mga bagong kaibigan.

Doon daw niya na-realize na pwede pa rin namang maging masaya ang isang tao kahit single.

Isa pa, nariyan ang bagong bahay na inaasikaso niya, kaya no time for love si Sanya.

Sa bago niyang kontrata sa GMA Network, may posibilidad umano na gumawa siya ng isang pelikula, pero ayaw niyang pangunahan ang mga plano hangga’t hindi pa nagsisimula ang shooting nito.

AUTHOR PROFILE