Sandro

Sandro sa isyung nabayaran ang kaso: I will not be silenced

October 12, 2024 Vinia Vivar 201 views

Itinanggi ni Sandro Muhlach na binayaran na siya sa kasong isinampa niya laban sa GMA independent contractors na sina Jojo Nones at Richard Cruz.

Ipinahayag ito ng anak ni Nino Muhlach sa kanyang Instagram Stories kalakip ang mga screenshot ng mga tanong ng netizens kung nabayaran ba siya kaya siya nanahimik.

Mababasa sa komento ng isang netizen na “ano na nga bang nangyari sa kaso mo? Binayaran ka ba para manahimik tsk tsk.”

Sabi naman ng isa pa, “Baka inayos… baka tinulungan ng gma…”

May nagkomento pa na “Money.”

Sa ibaba ng screenshot ay sinagot ni Sandro ang mga tanong at akusasyon.

Aniya ay naghihintay pa sila ng resolusyon ng DoJ (Department of Justice) at ng legal affairs ng GMA.

“Still waiting for the resolution of DOJ and GMA Legal,” aniya.

“Hindi po ako binayaran and never po ako magpapabayad for settlement,” paglilinaw pa ng Sparkle artist.

“Kahit po kami ng legal team ko naghihintay sa case,” sabi pa niya.

Umapela rin siya sa pubiko na huwag pangunahan ang kaso at marami pa raw silang ire-reveal.

“‘Wag niyo po pangunahan lahat. I will not be silenced. Just wait.”

“We have more yet to reveal,” saad ng baguhang aktor.

Matatandaang nagsampa na ng kasong rape through sexual assault and several acts of lasciviousness si Sandro laban kina Jojo at Richard sa DoJ noong Agosto.

Inireklamo ng aktor ang diumano’y pang-aabusong ginawa sa kanya ng dalawa matapos ang GMA Gala 2024 last July.

Nagkaroon din ng pagdinig sa Senado ang nasabing kaso bilang parte ng isinasagawang imbestigasyon sa nagaganap na diumano’y sexual abuse sa entertainment industry.

LOVELESS

Ayaw nang palakihin pa ni Sugar Mercado ang isyung seven years silang nagkaroon ng relasyon ni Willie Revillame.

Matatandaang dating co-host ni Kuya Will si Sugar sa “Wowowin” at nag-resign siya sa show noong 2019.

Nakausap namin si Sugar sa contract signing niya bilang ambassador ng Melona Beauty Drink na ginanap last Friday sa Dusit, Thani Hotel sa Makati.

Aniya ay okay naman sila ni Kuya Wil.

“Basta okay po kami, ‘wag na lang palakihin, basta we’re okay ni Kuya Wil,” sey niya.

Nang matanong namin kung willing ba siyang makatrabaho ulit si Kuya Wil, aniya sa ngayon ay hindi na niya kayang magampanan pa ulit na maging co-host nito.

“Kasi si Kuya Wil, napaka-perfectionist sa trabaho. Saludo ako sa kanya do’n at lahat ng issue sa kanya about that, alam ng mga nagtatrabaho sa kanilang kaya siya yumaman ng ganu’n because ganu’n sya magtrabaho.

“Wala sa kanya ‘yung kahit na ano ka pa niya, kamag-anak ka niya o anak ka niya. Gusto niya, pulido ‘yung trabaho.

“And hindi ko na kayang ibigay ‘yun. Kasi may anak na ‘ko. Kailangan ko ring mag-focus na talaga sa business ko.

“Kasi ‘yun ‘yung kailangan ng mga anak ko. Basta ako, kung ano ‘yung ikabubuti ng anak ko, do’n ako,” sey ni Sugar.

Ayon pa sa isa sa original members ng Sexbomb Girls, two years na siyang loveless at ito ay dahil naka-focus siya sa trabaho at sa dalawa niyang anak.

Samantala, kasabay ni Sugar na pumirma ng kontrata bilang endorser ang Viva artist na si Kyle Villanueva.

Present din sa contract signing ang executives ng Horizons Health and Beauty Products Corporation na sina Doc RJ Evangelista at Charles Arriza.

AUTHOR PROFILE