Posas

Sales agent patay sa away sa lupa

September 2, 2023 Zaida I. Delos Reyes 308 views

PATAY ang isang sales agent matapos pagbabarilin ng nakaaway niya sa lupa noong Biyernes ng gabi sa Barangay Gapas, Guinyangan, Quezon.

Hindi na umabot ng buhay sa Guinyangan Medicare Community Hospital si Federico Tarusan, 53.

Arestado naman ang suspect na nakilalang si Alexander Fontanilla. Batay sa ulat ng CALABARZON police, naganap ang insidente dakong 7:20 ng gabi sa Brgy. Gapaz, Guinyangan.

Pasakay umano ng kaniyang motorsiklo ang biktima nang bigla na lamang sumulpot ang armadong suspect at pagbabarilin ito.

Nadala pa ang biktima sa ospital pero hindi na rin naisalba ang kanyang buhay dahil sa dami ng tama ng bala sa katawan.

Nagresponde naman ang mga operatiba ng Guinyangan Municipal Police Station (MPS) at nasakote ang suspek.

Sa inisyal na pagsisiyasat ng mga awtoridad, lumilitaw na alitan sa lupa ang motibo sa krimen.