
Saklolo ni Mayor Joy Belmonte vs Nlex-Balintawak congestions
MASYADO naman kayong nagmamadaling magpa-survey ng Senatoriables at Presidential gayong hindi pa nga natutuyo ang tinta ng panunumpa ni Pangulong BBM at ng mga nagwaging senador.
Hindi natin alam kung anong hugot ang survey na ito kasi hindi natin mahanapan ng logic kung bakit nila ito ginawa sa ganito kaagang panahon.
Una, busy tayong lahat sa sunud-sunod na bagyo, pangalawa, kaliwa’t kanan ang pagputok ng bulkan sa Mayon, paramdam ng Kanlaon at pabugsu-bugsong pasikat ni Taal.
Idagdag pa iyong nagsisimula pa lang tayong lahat na makabangon sa bigwas ng pandemic. At higit sa lahat, katatapos lang ng 2022 elections.
Tama si Tunying sa sinasabi niya na kawalang respeto ang Presidential survey sa kauupo pa lamang na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Hindi nyo man lang ba pabayaang makalipas ang tatlo hanggang apat na taon ng administrasyon tsaka kayo pumorma ng mga survey.
Bakit hindi nyo kaya i-survey kung natutuwa ang publiko sa ginagawa nyong survey na sa ngayon ay walang naidudulot na buti sa ating bansa?
***
Madalas na ang traffic congestions sa Balintawak-Nlex etrance.
Mukhang dispalinghado ang RFID readers na nagiging sanhi ng bottleneck, lalo na pag peak hours.
Kung hindi kayang ayusin ng Nlex tollway management ang kanilang sistema, gawin na lang open toll bar tulad ng ginawa sa Valenzuela City area.
Kailangan na ring magalit si QC Mayor Joy Belmonte tulad ng galit noon ni former mayor ngayon DSWD Sec Rex Gatchalian nang mag-carmaggedon sa Nlex na sakop ng Valenzuela.
Kilala natin si Mayor Joy, sensitibo ito sa panawagan ng publiko kapag nagdudulot na ng perhuwisyo.
Halos gabi-gabi na ang usad-pagong sa bago makaabot sa Nlex-Balintawak toll bar kaya kailangan na ng kamay na bakal ni Mayor Joy.
Saklolo Mayor Joy!