Paul Gutierez

“Sablay”

June 13, 2024 Paul M. Gutierrez 150 views

MARIIN nating kinokondena ang ginawang pananakit ng mga miyembro ng transport group na ‘MANIBELA’ sa isang lehitimong kagawad ng media habang nagkokober sa isinasagawang kilos-protesta ng grupo noong Lunes sa tapat ng tanggapan ng LTFRB sa East Avenue, Quezon City.

Walang puwang ang panununtok umano ng mga kasamahan ni MANIBELA president, Mar Valbuena, kay kasamang Val Gonzales ng DZRH, habang nag-uulat ng ‘live’ sa kasagsagan ng “tigil-pasada” (transport strike) ng kanilang grupo.

Ang masaklap, mistulang binibigyang-katwiran pa ng grupo ang ginawa nilang pananakit, sa pagsasabing si kasamang Val daw ang nag-provoke o ‘nagsindi’ ng galit ng kanilang grupo dahil sa mga pahayag umano ng mamamahayag.

Ok! Ipagpalagay na natin na mayroong bahagi ng pagbabalita si kasamang Val na hindi nagustuhan ng pandinig ng mga ralyista, ibig sabihin ba nito ay may karapatan na silang manakit – manapa’y sa isang kagawad pa ng media?

“Lisensiya” na ba ang “manapak” kung mayroon hindi nagustuhan sa ibinabalita?

Wala tayong masamang tinapay sa grupong ito, partikular sa usapin na kanilang ipinaglalaban.

Katunayan, sa mga nagdaang pitak natin at programa sa radyo, makailang-beses nating naging panauhin si kasamang Ariel Lim, ang national convenor ng National Public Transport Coalition, upang talakayin at bigyang-daan na maipaliwanag ang mga isyu hinggil sa PUV Modernization Program (PUVMP) ng gobyerno kung saan isa sa mga tutol ay ang MANIBELA.

Makailang ulit natin tinalakay sa kolum na ito ang mga usapin ng kabutihan at negatibong idudulot ng programa, gayundin sa ating radio program, malayang naihayag ni kasamang Ariel ang lahat ng hinaing at posibleng problema sa PUVMP na batid natin na nakarating sa ating gobyerno at sa publiko.

Para sa kaalaman ng grupo mo Mr. Valbuena, ang midya ang inyong kaagapay upang maiparating sa mga kinauukulan ang inyong mga hinaing at saloobin, at ang sila rin ang takbuhan ng mga katulad ng inyong hanay sa tuwing nakakaranas kayo ng hindi magagandang karanasan sa tuwing magsasagawa kayo ng mga pagkilos, tama ba Rep France Castro?

Pero kung ganyan na sinasaktan ninyo ang mismong mga tagapagbalita dahil lamang hindi ninyo nagugustuhan ang ilang bahagi ng mga ulat, tingin ko ay malabo kayong makakuha ng simpatiya sa kung anuman ang inyong ipinaglalaban.

Noong huling kilos-protesta nila noong nakaraang buwan, nakatikim umano ng masasakit na pananalita mula sa grupo ang reporter/anchor ng DZBB Radio station na si Allan Gatus.

Ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) ay itinatag upang pangalagaan at tiyakin ang kaligtasan ng lahat ng kasapi ng media. Kaya’t anuman ang maging hakbang ni kasamang Val ay ating tutulungan at susuportahan upang managot ang may sala.

Tiwala tayo sa ating kapulisan sa ilalim ng mahusay na QCPD director, P/BGen. Red Maranan na lalabas ang katotohanan sa kanilang isasagawang imbestigasyon.

At sana, huwag nang ipilit na MANIBELA na “kasalanan” pa ni kasamang Val kaya siya sinuntok ng ilan nilang miyembro. Mahirap bang aminin ang isang pagkakamali?

Kumbaga, “sablay” na, nagpapalusot pa. Eh, anong tawag natin dito kundi, “sablay!”

AUTHOR PROFILE