Ruffa

Ruffa humihingi ng dasal

June 27, 2024 Vinia Vivar 94 views

Humihingi ng dasal si Ruffa Gutierrez para sa kanyang sister-in-law na si Alexa Uichico, asawa ng kapatid niyang si Elvis Gutierrez.

Kasalukuyang nakikipaglaban si Alexa sa leukemia at sumasailalim sa medical treatment.

“She’s battling leukemia, just continue to pray for her. She’s actually struggling right now, I don’t want to talk about it because I might cry,” ang emosyonal na pahayag ni Ruffa sa panayam ng media sa isang event.

Naibahagi rin niya ang pinagdaraanang hirap at sakripisyo ng kanyang kapatid.

“Elvis is also having a hard time because they’ve been in and out of the hospital since January so pagdasal po natin sila,” aniya.

“We really need your prayers kasi the treatment that she needs, wala dito sa Pilipinas, so I don’t know if she’s able to fly out or not so ‘yun ang tinitingnan namin,” sey pa ng aktres.

Matatandaang ilang buwan na rin ang nakakalipas mula nang ma-diagnose ng leukemia si Alexa base sa Instagram post ni Ruffa.

All-time high

Panibagong all-time high record ang naitala ng FPJ’s Batang Quiapo matapos umabot sa higit kalahating milyon o 502,556 views ang sabay-sabay na nanood sa Kapamilya Online Live ng komprontasyon nina Tindeng at Lena (Charo Santos at Mercedes Cabral) sa episode noong Miyerkules (Hunyo 26).

Patok sa netizens at trending sa social media ang pinaka-inaabangang pagtatapat nina Tindeng at Lena kung saan kaliwa’t kanan na sampal ang inabot ni Lena mula kay Tindeng.

Anila, “deserve na deserve” ni Lena ang nangyari sa kanya lalo na’t reyna ang tingin niya sa sarili niya kahit kabit lang naman siya ni Rigor (John Estrada).

Sa social media, kalat na ang iba’t ibang videos at posts ng mga nakakaaliw na reaksyon ng netizens sa pasabog na eksena.

“Speechless, grabeeee one of the most intense confrontation ever. Ms Charo you are timeless, and such an inspiring actor that everyone could look up to! Kudos to Lena, apaka galing din,” komento ng netizen na si @justinemoreno9146 sa YouTube.

“Sobrang satisfying ng ilang araw na paghihintay sa epic na sabunutan at sampalan ni Lena at Tindeng, lalo na yung limitless na sampal ni Mam Charo kay Mercedes at pagkaladkad habang sinasabunutan!” post naman ni @Carlosmiguel652 sa X.

Sa pagpapatuloy ng kwento ng FPJ’s Batang Quiapo, muling magkakagulo sa bahay ni Rigor kapag nalaman na nilang lahat ang nangyaring pang-iiskandalo sa pagitan nina Tindeng at Lena.

Samantala, iba naman ang pagkakaabalahan ni Tanggol (Coco Martin) dahil nangako siya kay Bubbles (Ivana Alawi) na gagantihan niya si Pablo (Elijah Canlas) matapos nitong bastusin ang dalaga.

AUTHOR PROFILE