
ROTC Games Visayas matagumpay – Tolentino
ILOILO CITY – SINABI ni Senador Francis “Tol” Tolentino na matagumpay na naidaos ang makasaysayang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) Games 2023 Visayas na nilahukan ng mga ROTC cadets buhat sa Regions 6, 7 at 8.
Iba’t ibang ROTC units buhat sa mga kolehiyo at unibersidad ang lumahok at nagpakitang gilas sa mga team sports at indibiduwal na sport gaya ng boxing, kickboxing, arnis, basketball at volleyball.
Pinasalamatan ni Tolentino ang Commission on Higher Education, Armed Forces of the Philippines at Philippine Sports Commission (PSC) sa padaraos ng nasabing sports event.
Sa closing ceremonies, dumalo rin si Senador Robin Padilla na nangakong tutulong siyang maibalik ang ROTC program sa bansa.
Samantala, ang Mindanao leg ng nasabing palaro ay gaganapin sa Lungsod ng Zamboanga mula ika-27 ng Agosto hanggang ika-2 ng Setyembre, habang ang Luzon regional games naman ay gaganapin sa Lungsod ng Tagaytay sa darating na Setyembre 17 hanggang 23.
Sa lungsod ng Maynila at Pasig naman gaganapin ang National Capital Region leg ng torneyo mula Oktubre 8 hanggang 14 at maging ang inaabangang national championships sa darating na ika-22 hanggang ika-27 ng nasabi ring buwan.
Ayon kay Tolentino na honorary chairman ng nabanggit na torneyo, ang mga palaro at kumpetisyon sa ilalim ng Philippine ROTC Games (PRG) ay nagtatampok hindi lamang sa angking galing ng mga manlalaro sa iba’t ibang larangan ng palakasan sa ilalim ng ROTC program, kundi layon din nitong palakasin ang “national pride” ng kabataang Pilipino.
Ang mga kalahok sa PRG ay pawang mga mag-aaral na kasalukuyang naka-enrol sa iba’t ibang higher education institutions at isa-isang pinili ng mga ROTC Unit ng kolehiyo o pamantasan na kanilang kinaaaniban upang sumali sa nabanggit na patimpalak.
Pangunahing layunin ng PRG ay himukin ang mga kabataan na pumasok sa ROTC program at kalaunan ay makipagtagisan ng galing sa larangan ng sports, ayon sa senador.
Ang PSC ang ahensiya na inatasang mamahala sa nasabing torneyo at pumili ng mga atletang may potensyal upang sila’y sanayin pa ng husto sa ilalim ng national sports associations.