
Roque na-warningan ng contempt ni Risa
KUMPIRMADONG wanted ang isa sa mga nahuli sa Tuba, Benguet dahil sa violation umano sa visa sa bahay na sinasabing pag aari ng PH2 corporation at Bian Chiam Holdings.
Inamin ni dating spokesperson Atty. Harry Roque na mayroon siyang interes at maituturing siyang isa sa may ari sa nasabing lugar.
Sa gitna ng pagdinig ay ibinulgar ni Deputy Minority Leader Sen. Risa Hontiveros na kumpirmado umanong high profile na pugante ang nasabing tao na diumanoy Cambodian ngunit Chinese national pala.
Kinumpirma umano ng intelligence commmunity na ito ay high profile personality na wanted at umanoy maraming nabiktima na aabot sa 100,000 katao.
“One of them is wanted in China. A very high level fugitive and with a red notice. A wanted fugitive in China. The Cambodian passport held by the man is fake. He’s really Chinese and as per our Chinese informant, he’s a red notice fugitive, very high-level, and he has already defrauded 100,000 people,” pagbubulgar ni Hontiveros sa isa sa mga nahuli sa Benguet kamakailan.
Sa nasabing pagdinig, kung saan nga ay humarap si Roque, sinabi ng dating spokesperson ni dating pangulong Duterte na isa siya sa mga may ari ng nasabing bahay kung saan nasawata ang dalawang foreign nationals.
“May interest ako sa ilalim ng korporasyon sa bahay na iyon. Hindi pa 100% pero magiging one hundred percent na rin yun but I am on process of buying the whole shares,”paglilinaw ni Atty. Roque kung saan inamin niyang ang pangalan niya ang makikita rin sa Home Owners Association (HOA) dahil tumira din aniya siya dito ngunit ito aniya ay pag aari ng PH2 Corporation at pormal na nirentahan naman ng isang nagangalan na si Wan Yun na may 9G visa rights para manatili sa Pilipinas.
Ayon sa ulat, ang dalawang banyaga na nahuli sa Tuba ay naaresto dahil sa visa violations at diumanoy iba pang personalidad na may koneksyon naman sa illegal POGO sa Bamban,Tarlac na tinatarget naman ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
“Ang bahay na tinutukoy niyo sa Tuba, Benguet ay rehistrado sa isang korporasyon na PH2 corporation. Inaamin ko na ako po ay may interes sa korporasyon that owns it. Ito ay pinangangalagaan ng aking caretaker. Nominal lang po ako dahil ang majority share holder ay ang Bian Chiams Holdings na ang majority holder ay si Atty. Percival Val Ortega” ani Roque sa Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality kung saan ay sinabi niyang pinili niyang manatili dito matapos siyang umalis sa gobyerno.
“Tinirhan ko po yan nuong ako po ay umalis na sa gobyerno, and I do have an interest in the corporations that owns it. Pero wala po sa akin ang possession ng bahay na yan. Dahil as of January 2024, yan po ay pinaupahan ng korporasyon at ang umuupa po ay isang Wan Yun na isang Chinese national na siya ay pumirma sa Contract of Lease ay rinequire ko siya na magpakita ng Alien Certificate of Registration at lumalabas na siya po ay holder ng isang 9G visa. Meaning, she has a right to be in the Philippines. So ang rehistradong lessee po diyan ay itong babae na si Wan Yun na registered din sa Homeowners Association.” giit ni Roque.
Pinunto rin ni Roque na mayroon siyang dalawang caretaker na siyang taga bantay dito kayat hindi umanong posible na magkaroon ng mga ilegal na gawain sa nasabing bahay.
“Alam nyo po hanggang ngayon meron akong katiwala doon. Kasi nga po nais kong masigurado na yung lessee will only use the premises for residential purposes. Dahil nung ako po ay nasa gobyerno pa, may mga nagrereklamo sa mga villages gaya ng Multinational Village na ginagawang POGO at 70 people at a time ang nasa residential homes. So, nagtalaga pa ako ng caretaker para masigurado na wala pong ganyan. At ang caretaker’s report naman ay talagang hanggang tatlong tao lang ang nakatira roon.” ani Roque.
“Ang question po is, yun nga po, kung yung lalaking nahuli ay siyang merong tie sa Bamban at dahil ang alam ko po, nag-due diligence din naman kami kung sino yung lakaking iyon, partner yun ng aking lessee, but gentleman of leisure po yun eh. Ang sinasabi nung aking katiwala, hindi naman umaalis ng bahay, golf lang nang golf, kasi may golf course po dyan. At nang tinanong namin minsan, ano ba ang trabaho niya, sabi niya, he is a digital nomad, no? Cryptocurrency, no? ”
“So, nais ko po makita talaga kung ano yung ebidensya na yung lalaking yun ay involved sa Bamban. Dahil kung hindi naman po, talagang meron pong concerted effort na i-link ako dito sa mga POGO na akin namang itinatanggi po. Nag due diligence din naman kami,” ani Roque.
Humantong din sa mainit na pagsasagutan sina Hontiveros at Roque dahil sa nais ni Roque magsalita pa ng mga isyu na para naman kay Hontiveros ay hindi kasama sa kanilang itinatanong sa pagdinig.
Sumabat si Sen. Sherwin Gatchalian upang paalalahanan ang dating spokesperson na hindi pwedeng siya ang magdikta sa chair komite at mapipilitan silang ipa contempt si Roque sakaling magpilit ito ng kanyang gustong istilo.
“One more and I will cite you for contempt. If you disrespect the chairperson, we’ll be compelled to cite you for contempt,” ani Gatchalian kung saan ay humingi naman ng paumanhin si Roque.
Iginiit niya rin na wala siyang kinalaman sa ilegal na POGO at tanging ang Whirlwind Corporation lamang aniya ang kanyang kliyente at hindi ang Lucky South 99 Pogo.
“I am not part of Lucky South 99 but I am representing as lawyer for Whirlwind which is my client. And Whirlwind is the service provider of Lucky South 99. Hindi marunong mag tagalog o mag english ang mga Tsinong ito. And part of the service as service provider is to fix all problems like this in PAGCOR.” ani Roque sabay pag amin din na si Catherine Cassandro Ong Whirlwind Corporation, ang tanging link niya sa Lucky South dahil ito ang service provider ng nasabing POGO company.
Ngunit iginiit pa rin ni Hontiveros na si Roque mismo ang pumunta sa PAGCOR at pilit na inaayos ang mga problema ng Lucky South 99 POGO. At si Cassy Ong ay isa rin sa mga incorporator ng Lucky South base sa dokumento kung saan inilagay din dito na isa siya sa legal counsel ng nasabing pogo company na sangkot diumano sa kidnapping, human trafficking, torturing , scamming at hacking.
“Nakalagay po ang pangalan ninyo Atty. Roque as legal counsel sa mga papeles na submitted sa Pagcor. Nagdemanda po ba kayo kay Ms. Cassy Ong or tinanong niyo ba siya bakit inilagay ang pangalan ninyo sa dokumento na isinumite sa PAGCOR? And aware po ba kayo sa mga illegal na kinasasangkutan krimen ng Lucky South?, ” tanong ni Hontiveros.
Dagdag pa ng Senadora: ” And then, in the longer term, this is what we all need to know po. Sa first application sa PAGCOR, lessor ang Whirlwind represented by Stephanie Mascareñas and lessee, Lucky South, was Cassie Li Ong. Pero sa new application ang lessor na Whirlwind ay represented by Cassie Li Ong and lessee, Lucky South, was reprsesented by Ronalyn Baterna. ”
“Huwag po nating gamitin ang corporate layering to avoid scrutiny dahil mukhang ito ang nangayayri. Ito ang mga dirty tactics. Huwag niyo pong lokohin ang komite, hindi porke banned na ang POGO, we will stop holding people into account. Lumilitaw sa mga nakuha nating dokumento, nagagamit ang pagbubuo ng iba’t ibang kumpanya para itago ang tunay na nagooperate ng isang POGO pati na ang tunay na kumakanlong sa mga pugante. Para maging ganap ang tagumpay ng ban sa POGO, these systems also need to be fixed. ” ani Hontiveros.
Para kay Roque, malinaw aniya ang kanyang partisipasyon kung saan ay hiningi lamang ni Ms Cassy Ong ang kanyang tulong upang makapag bayad sila sa PAGCOR dulot ng pagtakbo ng pera diumano ni Dennis Cunanan sa pambayad dito ng Lucky South 99 na nagkakahalaga ng $900K.
Agad naman itong itinanggi ni Dennis Cunanan na dumalo sa nasabing pagdinig kung saan ay bumuwelta ito sa pagsabing hindi totoong nagtakbo siya ng anuman pera at nagulat siyang kung bakit kinaladkad ang kanyang pangalan sa nasabing isyu na hindi aniya totoo.
“I stand by my fact. Hindi ko alam yung sinasabi nilang ganyan. At hindi totoo yan. I left them dahil mayroon bagong guidelines na I can also be held liable for what they are doing being an authorize representative. I met them because of a certain Charlotte Sia sa Porac Pampanga na isang interpreter for Lucky South and because I am into consulting company, tumulong ako. Never ko na meet ang mga incorporators nito. Ground zero pa nung pumunta ako and mga container pa lamang ang ginagamit nila,” ani Cunanan sa kanyang testimonya.
Mayroon din isa pang biktima na lumutang kung saan ay isinama rin ang kanyang pangalan bilang incorporator kahit wala man daw siya kinalaman sa operasyon nito kelan man.
“Nagpapakita lamang po talaga na ang Pogo na ito ay kaliwat kanan na gumagawa ng krimen at gumamit ng mga inosenteng tao bilang incorporator nila,” ani Hontiveros.
Sinabi naman ni Fortunato Manahan Jr., Chief ng Intelligence Division of the Bureau of Immigration na sadyang hindi nila alam kung sino talaga ang may ari ng bahay sa Benguet at ang tanging layunin nila ay makuha ang kanilang target dahil na rin sa mga violation ng mga ito.
“Wala hong personal knowledge dun sa name or ownership of the residence. We’re just after the foreign nationals stated dun sa mission order issued.” pag tatapat naman ni Manahan.
Nagsalita rin si Nancy Gamo, na nagsabing isa siyang free lance accountant na ginamit ng suspendidong Bamban, Tarlac Mayor na si Alice Guo, kung saan ay sinabi nito nagsimula siyang makipag ugnayan kay Guo taun 2012 matapos siyang ipakilala ng isang kaibigan .
Inilarawan naman ni Gamo ang mga pahayag ni Alice Guo bilang “tahi-tahing istorya istoryahan nito na sinasabing hindi siya kilala ngunit talaga naman aniya magkakilala silang dalawa nuon pa.”
“They could have used my name pero hindi ko po ginawa ang mga papeles na yun. There is this Atty. Fil Joy Baluyot na nagbayad ng filing fee for the increase of payment sa Landbank. Hindi ako nakarating sa Tarlac kundi sa Concepcion lang. Pero yung mga building hindi ko nakita yun,” Gamo said as she revealed that all names of incorporators were provided by Mayor Alice Guo herself and was the one coordinating with her in all transactions for the POGO documents and all Guo’s businesses.” ani Gamo kung saan ay itinanggi niyang ang mga sumunod na transaksyon sa paglago ng POGO ni Guo ay kasangkot pa siya nito.
Si Gamo at Cunanan ay parehong pinakawalan na ng Senado matapos magsalita ng hayagan at ibigay ang kanilang personal na kaalaman sa pagdinig.
Samantala, sinabi naman ni Sen. Gatchalian na dapat lamang i-invoke ang Article 150 of the Revised Penal Code of the Philippines na tinawag bilang “Disobedience to summons issued by Congress” laban kay Guo Hua Ping aka Alice Leal Guo upang masiguro aniyang magkakaroon ito ng matinding pananagutan sa ilalim ng batas.
Para naman kay Senate President Pro Tempore Jose Jinggoy Estrada nagbabala siya sa NBI at sa PNP na sakaling hindi pa rin ng mga ito madakip ang nagtatagong si Bamban Mayor Alice Guo ay posibleng maapektuhan ang kanilang budget lalot budget season na aniya para sa 2025.