Default Thumbnail

ROLAND T. LIM, PHENOMENAL LEADER NG ROTARY CLUB!

June 19, 2023 Marlon Purification 596 views

Marlon PurificationMULING humakot ng iba’t ibang award at parangal ang Rotary Club of Malate Prime sa pangunguna mismo ng negosyanteng pilantropo na si Mr. Roland T. Lim.

Sa isinagawang 2022-2023 Top 15 Rotary Club District Awards & Recognition nitong nakalipas na Sabado, June 17, na ginanap sa Hotel Conrad Manila, si Ginoong Roland T. Lim ay pinarangalan bilang Phenomenal Leader President.

Resulta ito sa walang sawang pagtulong sa kapwa at pagbibigay dedikasyon sa programa ng Rotary Club 3810, gayundin ng Imagine Rotary.

Ang paggagawad ng pagkilala kay Lim ay ibinigay ni District Governor Joyce Michelle Socorro L. Ambray, RY 2022-2023.

Bukod kay Lim, binigyang parangal din ang Rotary Club of Malate Prime bilang Phenomenal Governor’s Distinguished Award.

Anim na Phenomenal Governor’s Distinguished Award din ang hinakot ng Malate Prime mula sa kategoryang ‘Areas of Focus, Projects and Activities,’ ‘International Service Activities and Support,’ ‘ Public Image Programs and Activities,’ ‘Club Administration,’ ‘Vocational Service Activities and Programs,’ at ang Phenomenal Governor’s Distinguished Award in The Rotary Foundation.

Para kay Ginoong Lim, isang karangalan ang muling bigyang parangal ng pinakamamahal na Rotary Club.

Higit na magsisilbing inspirasyon ito para sa kanya, gayundin sa mga kasamahan sa Rotary Club Malate Prime upang hindi tumitigil maglunsad ng mga produktibong proyekto para tulungan ang mga kababayang mahihirap.

“May award o wala. May pagkilala o wala, tuluy-tuloy tayo są pagtulong są mga nangangailangan,” sabi ni Roland Lim.

Matagal na nating kakilala si Pareng Roland.

May tatlong dekada na kaming magkakilala at magkaibigan.

Ako mismo ay saksi sa ginagawang pagtulong nito sa ating kapwa.

Bukod pa riyan, aktibo sa pagbibigay tulong din si Mr. Lim sa mga institusyong nagbibigay ng serbisyo-publiko, partikular na sa Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines Philippine Red Cross at iba pang mga local government units.

Karapat-dapat ang iginawad na pagkilala sa kanya, gayundin sa mga kasamahan niya sa RC Malate Prime.

At alam ko, marami pang darating na pagkilala sa kanya dahil mula noon hanggang ngayon ay malambot na ang puso nito sa mga aba nating kababayan.

Kaugnay nito, nais pasalamatan ni Mr. Lim ang pamunuan ni Gov. Joyce Ambray, gayundin ang mga kasamahan sa RC Malate Prime na palaging nakasuporta sa kanilang mga programa.

Higit lalo ay ipinaabot ni Ginoong Lim ang pagmamahal sa asawang si Ma’am Staranaisava Hemsworth, gayundin sa mga anak na palaging nakasuporta sa kanyang adbokasiya.

“Mas madalas, si misis at mga anak ko pa ang nagsa-suggest kung anong klaseng tulong ang puwede nating ipaabot sa mga kababayan nating mahihirap. Kaya maraming-maraming salamat sa kanila. Mahal na mahal ko sila,” pagtatapos pa nito.