Zubiri

‘ROAD RAGE’ UMABOT NA SA SENADO

August 30, 2023 Camille P. Balagtas 399 views

MAGKATUWANG na naghain ng resolusyon sina Senadora Pia Cayetano at Senate President Juan Miguel Zubiri para pa-imbestigahan sa Senado ang viral road rage incident na nangyari kamakailan sa Quezon City, sangkot ang isang dating police officer at isang siklista.

Sa Resolusyon Bilang 763, ihinayag ng dalawang senador na ang insidente ay may kinalaman sa paniniguro ng kaayusan at kaligtasan ng publiko, kung kaya’t hindi ito puwedeng basta aregluhin lamang, o ipagsawalang-bahala ng mga awtoridad.

“(T)his is a serious case involving public order and safety, which cannot simply be settled amicably and swept under the rug,” pagdidiin nina Cayetano at Zubiri.

Iginiit din ng dalawang senador na may kinalaman ang road rage sa konsepto ng “road sharing,” na kadalasan ay ‘di sineseryoso ng mga motorista.

Sa ilalim ng konseptong ito, lahat anila ay may patas na karapatang gumamit ng mga pampublikong kalsada – kabilang ang mga pedestrian, commuters, siklista, motorcycle riders at mga nagmamaneho ng four-wheeled vehicles.

“(T)he issue also highlights the safety of cyclists on the road, and the issue of road sharing, a concept that remains ignored by and alien to many Filipino motorists, which means that one must share in the responsibility of ensuring everyone’s safety, as everyone has an equal right to access public roads,” saad pa ng resolusyon.

Bilang panghuli, inihayag nina Cayetano at Zubiri na tungkuling itaguyod ng bansa ang Sustainable Development Goal 11, o ang Sustainable Cities and Communities, kung saan ay dapat siguruhin ng pamahalaan ang kaligtasan, inklusyon at pag-unlad ng bawat miyembro ng lipunan.

Pagtatapos ng resolusyon: “It is vital that we protect our cyclists traversing in traffic through the provision of physical barriers to ensure their safety, which is encapsulated in Senate Bill No. 1290, entitled the Walkable and Bikeable Communities Act.”

Isang siklista at abogada si Cayetano, ang principal author at sponsor ng Senate Bill No. 1290. Ipinasa na ito ng Senado noong isang taon, ngunit naghihintay pa ng katulad na aksyon mula sa Kamara.

Samantala, sinang-ayunan naman ito ni Senator Jose Jinggoy Estrada na nagsabing dapat lamang busisiin ang nasabing pangyayari upang hindi na ito maulit sa ibang siklista na nakararanas din ng ganitong uri ng pang-aabuso sa kalye.

Sinabi ni Estrada na hindi dapat palagpasin ang dating pulis na masasabing abusado lalo’t ang mga kaawa-awang sibilyan ang kinakaya-kaya umano nito.

Ang imbestigasyon na senado, ayon kay Estrada, ay magbibigay-daan upang ipaunawa sa mga mamamayan na ang lahat ng gumagamit ng kalye at mga daanan ay may kani-kaniyang karapatan, anomang uri ng sasakyan ang gamit nito, mula sa bisikleta, motorsiklo, kotse, trak at iba pang uri ng sasakyan.