Shabu

Rider nakabundol ng tao tiklo sa P800K shabu

January 23, 2024 Jojo C. Magsombol 353 views

KAMPO MAJOR/HENERAL LICERIO I. GERONIMO, Taytay, Rizal–Nakuhahan ng shabu na nagkakahalaga ng halos P800,000 ang inarestong rider noong Linggo na bumangga sa ilang tao sa Binangonan, Rizal.

Inaresto si alyas Jonathan nang mag-overshoot ang kanyang motor at nahagip ang mga tao sa Binangonan, Rizal.

Sa imbestigasyon, nakatayo ang mga biktima sa gilid ng Manila East Road sa Brgy. Pantok, Binangonan, Rizal bandang alas-3:00 ng umaga nang mag-overshoot ang mabilis na Yamaha Mio (4393OP) na minamaneho ng suspek at nabangga ang grupo ng mga tao.

Dahil dito, nagtamo ng mga sugat ang mga biktima at ang rider at isinugod sa Margarito Duavit Memorial Hospital para magamot.

Mga alas-4:10 ng hapon noong Enero 21 personal na nagtungo sa Binangonan Municipal Police Station (MPS) ang mga biktima at ine-report ang nasabing insidente.

Kaagad na kumilos ang mga imbestigador kasama ang ilang biktima, kung saan personal na itinuro ng mga ito ang suspek na driver ng motorsiklo na nakabangga sa kanila.

Nang magsiyasat, nakuha ng mga tauhan ng Binangonan police sa suspek ang apat na sachet ng shabu na may timbang na 110 gramo at nagkakahalaga ng P748,000; isang belt bag, coin purse, weighing scale, cell phone, mga pera at driver’s license ng suspek.

AUTHOR PROFILE