
Rider na may baril, droga sumalpok sa taxi
SA pagmamadaling takasan ang mga pulis, sumalpok sa isang taxi ang 22-anyos na rider na may bitbit umano na iligal na droga at baril na dahilan ng kanyang pagkakadakip, pati na ng menor de edad niyang ka-angkas, Martes ng madaling araw sa Pasay City.
Sa tinanggap na ulat ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Kirby John Kraft, nagsasagawa ng “Oplan Sita” ang mga tauhan ng Pasay Police Sub-Station-5 sa kanto ng EDSA Ext. at Park Avenue, Barangay 79 dakong alas-4:45 ng madaling araw nang pahintuin nila ang rider dahil sa hindi pagsusuot ng helmet.
Sa halip na huminto, pinaharurot ng suspek ang motorsiklo, sakay ang 17-anyos na binatilyo, subalit sumalpok sila sa isang taxi sa EDSA Ext. na dahilan upang kaagad din silang madakip ng mga pulis.
Dito na natuklasan ang tinatayang dalawang gramo ng shabu na may katumbas na halagang P13,600, isang paltik na pistola na may anim na bala sa magazine na nasa loob ng itim na belt bag ng rider.
Sinabi ni Kraft na kinumpiska rin ng Pasay police upang i-impound ang itim na Yamaha Mio scooter ng mga suspek na walang plaka.
Nahaharap ngayon ang dalawa sa mga kasong paglabag sa RA (Republic Act)10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunitions, Section 11 ng RA 9165 o Possession of Dangerous Drugs, RA 4136 o ang Traffic Code of the Philippines, Article 151 ng Revised Penal Code o ang Resistance and Disobedience to a Person in Authority or the Agent of Such Person at reckless imprudence resulting in damage to property sa Pasay City Prosecutor’s Office.