Granada

Rider, angkas nalambat sa granada, paltik

June 18, 2024 Edd Reyes 178 views

BarilNASAKOTE ng mga pulis ang delivery rider at kanyang angkas dahil sa pagdadala ng granada at paltik na revolver matapos ang habulan noong Lunes sa Pasay City.

Sa ulat ni Pasay police chief P/Col. Samuel Pabonita kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Leon Victor Rosete, nahuli ang dalawa dahil sa “Oplan Sita” na initiative ni P/Maj. Sunny Longboy, commander ng Baclaran Police Sub-Station 5 sa Don Carlos Revilla St., Brgy. 148.

Napuna ng mga pulis na biglang umiwas ang dalawang magka-angkas sa motorsiklo na walang suot na helmet.

Sa halip na dumiretso sa Oplan Sita outpost, nag-U-turn ang dalawa na dahilan para sila habulin hanggang makorner malapit sa Pasay City public cemetery.

Nang kapkapan, nakuha kay alyas Usop, 29, delivery rider, ang isang MK fragmentation grenade.

Nakumpiska sa angkas niyang si alyas Norodin, 44, ang paltik na pistol na may isang bala.

Ayon kay P/MSg Jessie Bellesa, may hawak ng kaso, sasampahan ng kasong paglabag sa R.A. 9516 (Illegal Possession of Explosive) si alyas Usop habang paglabag sa R.A. 10591(Comprehensive Firearms and Ammunition Act) ang isasampa kay alyas Norodin sa Pasay City Prosecutor’s Office.

Iniutos ni Col. Pabonita ang background check sa dalawa at inatasan din si Maj. Longboy na makipag-ugnayan sa Taguig police upang alamin kung may kasong kriminal sa naturang lungsod ang dalawang nadakip.

AUTHOR PROFILE