Leah Salterio

Ricky Lee: ‘Hindi pa tapos ang kuwento ni Nora’

April 27, 2025 Leah C. Salterio 79 views

Ricky

Nora
National Artists for Film and Broadcast Arts Nora Aunot and Ricky Lee

SUPERSTAR and National Artist for Film and Broadcast Arts Nora Aunor had been laid to rest on April 22 (Tuesday) at the Libingan ng mga Bayani.

Her fellow National Artist for Film, Ricky Lee, delivered this heartwarming eulogy before Nora was interred. Ricky worked with Nora in a number of films, some of which won awards.

“Noong 1993 ay naglibot sa iba’t ibang bansa ang dulang DH (domestic helper) na sinulat ko at pinagbidahan ni Guy. Nagpunta kami sa Central Park sa Hong Kong.

“Daan-daang DH ang nandoon. Halos bawat isa ay niyayakap ni Guy, kinakausap, kinukumusta kung ano ang mga problema nila.

“Noong paalis na kami, lumingon ako at nakita kong tumatakbo sa kalsada ang mahigit sampung DH, lumuluha habang humahabol sa van. Pinagmasdan ko si Guy at naisip ko, bakit ganito ang epekto niya sa tao? Bakit sila umiiyak?

“At alam ko kung bakit. Dahil nakikita nila si Guy sa kanilang mga sarili. Dahil sila si Guy.

“Una kong nakilala si Guy nang gawin namin ang ‘Himala.’ Noong gabi bago ang shooting ng finale, kung saan sinabi niyang walang himala, ni-revise ko ang buong monologue. Sinabi ni Ishma (director Ishmael Bernal) kay Guy, one take lang tayo bukas dahil tatlong libo ang ekstra at walo ang camera.

“Opo, Direk, sabi ni Guy. Kinabukasan ay dineliver niya ang monologue sa harap ng libong mga tao, na karamihan ay Ilokano at di naiintindihan ang sinasabi niya. Pero nasa puso ni Guy ang masa. May paraan siya ng pagkonekta sa kanila na hindi laging nangangailangan ng mga salita.

“Naging matalik na kaibigan ako ni Guy nang gawin namin ang ‘Andrea, Paano Ba ang Maging Isang Ina?,’ na siya ang producer. May nagpasabi kay Guy na makakapasok lang daw ang ‘Andrea’ sa Metro Manila Film Festival (MMFF) kung babaguhin ang ending.

“Doon kasi ay binaril si Andrea ng mga sundalo, point blank sa ulo. Dapat daw ay nagtatangkang tumakas si Andrea, kaya siya binaril.

“Huwag na lang nating isali kung babaguhin ang ending, sabi ni Guy. Nanindigan siya, at tinanggap pa rin ang ‘Andrea,’ kung saan naka-grand slam siya as Best Actress.

“Rebelde si Guy. Sa loob ng pitong dekada ay nilabanan niya ang status quo. Binago niya ang kolonyal na pagtinging nagsasabing mga mapuputi lang at matatangkad ang maganda sa puting tabing.

“Ginampanan niya ang papel ng mga babaeng palaban at makatotohanan. Naging madre siya, bilanggo, lesbian, NPA, OFW, kabit, anak na naging kaagaw ng ina sa pag-ibig, alalay, kontrabida, Muslim, Igorota, binukot, may dementia, mamamatay-tao.

“Sa isang panahong hindi tanggap ng mga tao na namamatay ang bida sa ending, namatay siya sa ‘Tatlong Taong Walang Diyos,’ ‘Himala,’ ‘Nakaw na Pag-ibig,’ ‘Andrea,’ ‘Flor Contemplacion,’ at iba pa.

“Marami siyang binasag at binagong paniniwala. Ipinakita niyang mahalaga ang nararamdaman ng mga taong nasa gilid ng lipunan, may mga boses na kailangang pakinggan.

“Pinili niyang huwag lang maging superstar, kundi maging isang tunay na artista ng bayan. Nilagyan niya ng hugis ang ating mga damdamin. Binigyan niya ng direksyon ang ating mga aspirasyon.

“Binigyan din niya tayo ng pag-asa at tinuruang puwede tayong lumaban upang matupad ang ating mga pangarap. Ipinakita niya sa atin ang kapangyarihang hindi natin akalaing meron pala ang ordinaryong tao. Ginawa niyang totoo ang ibig sabihin ng sining.

“Minsan nang tanungin ko si Guy kung bakit laging malungkot at puno ng damdamin ang mga mata niya, sinabi niyang ipinaglihi daw kasi siya ng ina niya sa Mater Dolorosa. Iyong may pitong punyal sa puso. Kaya siguro kahit na nakatawa siya, sa mga mata niya ay may lungkot pa rin.

“Puno ng kontradiksyon si Guy. Simple pero komplikado. Laging nakangiti pero sa loob ay maraming takot. Sobrang mahiyain pero sentro ng atensyon. Napakataas at nasa pedestal, pero napakadaling maabot.

“Isang taong ordinaryo, na ekstraordinaryo. Sa loob ng halos pitong dekada, tayong mga ordinaryong tao ay ginawa rin niyang ekstraordinaryo.

“Kaya siguro madalas ay di natin malaman kung anong gagawin sa kanya. Hahangaan lang ba natin siya? Sasambahin, gagayahin, pag-aaralan?

“Bata pa man ay inangkin na natin siya. Hiningi natin ang boses niya, ang buong buhay niya at ng pamilya niya, ang katahimikan niya. Pinakialaman natin bawat galaw niya. Hiningi nating maging ganito siya, maging ganoon siya.

“Binansagan natin siya ng kung ano-ano. Tinanggalan ng boses hanggang sa di na makakanta. Dalawang beses na pinagkaitan na maging national artist. Iniwasan ng maraming producer dahil marami daw sakit, at mahirap daw makatrabaho.

“Kalat na kalat ang mga kuwento kung gaano ka-generous si Guy. Kapag may nangangailangan ay pauutangin niya agad. Ang suweldo niya sa last shooting day ay ipinamimigay niya sa crew at iba pang tao sa set.

“Namigay siya ng pera sa mga preso noong shooting ng ‘Flor Contemplacion.’ Hindi naging madali ang buhay niya nitong mga nakaraang taon. Marami siyang sakit at naghirap siya, halos walang mga ari-arian.

“Pero hindi pa rin siya tumigil ng pag-iisip para sa kapakanan ng iba. Gusto niyang magtayo ng isang foundation na tutulong sa mga fans at iba pang nangangailangan. Buong buhay niya ay nagbigay siya nang nagbigay hanggang sa halos wala nang natira sa kanya.

“At tayo, dahil nasanay na tayong siya ang bigay nang bigay, madalas ay nakakalimutan natin na siya man ay may mga pangangailangan din.

“Kaya sa gitna ng ating pagdadalamhati ngayon, gusto nating sabihin sa kanya, Guy, sa ngalan ng milyon-milyong mga taong pinukaw mo, niyakap mo, pinahid mo ang luha, binago mo ang buhay, tanggapin mo ang aming walang hanggang pasasalamat.

“Nagpapasalamat kami na nabuhay kami sa isang panahong naririto ka. Minsan lang mangyayari ang isang Nora Aunor. Pero di pa tapos ang kuwento mo. Nagsisimula pa lang.

“Ang pangalan mo ay pangalang sasambitin namin lagi nang walang pagod sa mga susunod pang henerasyon, upang hindi nila makalimutan kailanman na minsan, sa isang ginintuang panahon, ay may isang bituing walang kupas na nagningning sa kalangitan ng ating mga buhay.

“Minahal mo kami nang lubos maski na halos ay wala nang natira para sa sarili mo. Hayaan mong mahalin ka rin namin hanggang sa walang hanggan.”

AUTHOR PROFILE