
Ricci, inabsuwelto si Coun. Leren sa hiwalayan nila ni Andrea… panggagamit sa ex-GF, dinenay ng basketbolista
Matapos kumpirmahin ang breakup nila ni Andrea Brillantes last June 9, nagsalita na rin si Ricci Rivero tungkol sa tunay na dahilan ng kanilang hiwalayan.
Sa exclusive interview ni King of Talk Boy Abunda kay Ricci na umere last Monday, sinabi ng basketball player na nadadamay na ang kanyang pamilya kaya nagdesisyon na siyang magsalita.
“Kung ako, kaya kong tanggapin, eh, ‘di ba? Kasi alam ko naman na hindi totoo. Pero kapag sa family ko, siguro it’s time to step up, and kailangan ko silang protektahan dito sa mga issue na ganito. “
“So, ‘yung akin, Tito Boy, if ako, okay lang, pero huwag naman ‘yung pamilya ko,” simulang pahayag ni Ricci.
Diretso nang tinanong ni Kuya Boy kung bakit sila naghiwalay ni Andrea at hindi naman naging maramot si Ricci sa pagbibigay ng detalye.
Aniya, last April 2023 ay napag-usapan nilang mag-cool off muna.
Ang breakup ay nangyari ng first week of May talaga.
“Parang kailangan lang ng breather, something like that. Tapos, ‘yung break-up was first week ng May talaga,” he said.
Sa tanong kung bakit sila nag-cool-off, ayon kay Ricci ay mga problema na rin ang kanilang relasyon na tina-try nilang asyusin.
“Marami na rin po kaming sinusubukang ayusin na problema personally. Hindi naman siya sa may mali kasing ganito or may kasalanan or whatsoever. Siguro du’n lang sa the way we are sa isa’t isa rin, ‘di ba?
“Marami naman siyang puwedeng factors, could be both ‘yung maturity namin pareho, ‘di ba, puwedeng gano’n, pwedeng for whatever reason lang.
“So, may mga inaayos kami na sa ‘kin normal naman para sa relationship,” paliwanag ng basketball hunk.
They were hoping na maaayos ito at magkakabalikan sila pero later ay natuluyan na talaga ito sa breakup noong first week of May.
Inamin ng basketbolista na ang dahilan ng breakup ay ‘yung insidente na may nahuling babae si Andrea sa kanyang bahay.
“Tito Boy, ‘yung breakup, ‘yung cause ng breakup was ‘yung speculations ngayon, ‘yung kumakalat sa social media. ‘Yung may nakita siyang girl du’n sa place ko,” he revealed.
“Pero ilang beses po naman naming pinag-usapan ‘to as in sobrang daming beses. Na sinabi ko sa kanya with all the evidences I have – kasi may mga conversations even with my friends, ‘di ba – na hindi po sa akin ‘yung girl.
“May papuntang friend ako ng midnight or madaling-araw, tapos hindi ko naman alam na may kasama siya (na girl). Tapos ‘yun ‘yung inabutan niya (Andrea) that time,” pagre-recall ng basketbolista.
Alam daw niyang naniwala naman sa kanya si Andrea dahil after that ay nag-uusap naman sila at maayos naman ang usapan nila.
Isa pang nilinaw ni Ricci ay ang pagkaka-link niya kay Councilor Leren Bautista na sinasabi ring third party sa hiwalayan.
“Wala pong kinalaman dito si Councilor Leren. We met kasi nu’ng outreach lang, ‘yun ‘yung May 26, so birthday ko po ‘yan na parang outreach kasi ginagawa ko po ‘yan every year,” paglilinaw ni Ricci.
Alam niyang maging si Andrea ay hindi naniniwala na si Councilor Leren ang dahilan ng kanilang paghihiwalay.
Diretso siyang tinanong ni Kuya Boy kung may relasyon siya sa konsehala at sagot ni Ricci, “Wala po.”
Isa pang naitanong kay Ricci ay kung totoo ba ang akusasyon ng ibang tao na ginamit lang niya si Andrea at ginawang trophy girlfriend.
Sagot ng atleta, “Kung ginamit ko po siya, kasi marami rin naman pong offers ang ABS-CBN na sit-down interviews with her, shows with her, and simula po na naging kami, never po akong nag-yes. Lahat po nag-beg off ako.
“Kasi ayoko rin namang i-connect ‘yung trabaho sa personal relationship ko,” rason ni Ricci.
Wala raw sa isip niya ang mga ganyang bagay at sey pa niya, “Minsan na lang ako mag-girlfriend, bakit sa ganyang paraan ko pa gagawin?”