
Reward system ni Bato sa DU30 drug war na binuking ni Espenido nakakabahala
𝗦𝗔 pananaw 𝗻𝗶 𝗠𝗮𝗻𝗶𝗹𝗮 𝟮𝗻𝗱 𝗗𝗶𝘀𝘁. 𝗖𝗼𝗻𝗴. 𝗥𝗼𝗹𝗮𝗻𝗱𝗼 “𝗖𝗥𝗩” 𝗠. 𝗩𝗮𝗹𝗲𝗿𝗶𝗮𝗻𝗼 n𝗮𝗸𝗮𝗸𝗮𝗯𝗮𝗵𝗮𝗹𝗮 𝗮𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝗶𝘀𝗶𝗻𝗶𝘄𝗮𝗹𝗮𝘁 𝗻𝗶 𝗱𝗮𝘁𝗶𝗻𝗴 𝗢𝘇𝗮𝗺𝗶𝘇 𝗖𝗶𝘁𝘆 𝗣𝗼𝗹𝗶𝗰𝗲 𝗖𝗵𝗶𝗲𝗳 𝗖𝗼𝗹. 𝗝𝗼𝘃𝗶𝗲 𝗘𝘀𝗽𝗲𝗻𝗶𝗱𝗼 𝘀𝗮 𝗤𝘂𝗮𝗱 𝗖𝗼𝗺𝗺𝗶𝘁𝘁𝗲𝗲 𝗻𝗴 𝗞𝗮𝗺𝗮𝗿𝗮 𝗱𝗲 𝗥𝗲𝗽𝗿𝗲𝘀𝗲𝗻𝘁𝗮𝗻𝘁𝗲𝘀 𝗽𝗮𝘁𝘂𝗻𝗴𝗸𝗼𝗹 𝘀𝗮 “𝗿𝗲𝘄𝗮𝗿𝗱 𝘀𝘆𝘀𝘁𝗲𝗺” 𝗻𝗮 𝗶𝗽𝗶𝗻𝗮𝘁𝘂𝗽𝗮𝗱 𝗻𝗼𝗼𝗻 𝗻𝗶 𝗱𝗮𝘁𝗶𝗻𝗴 𝗣𝗵𝗶𝗹𝗶𝗽𝗽𝗶𝗻𝗲 𝗡𝗮𝘁𝗶𝗼𝗻𝗮𝗹 𝗣𝗼𝗹𝗶𝗰𝗲 (𝗣𝗡𝗣) 𝗖𝗵𝗶𝗲𝗳 𝗚𝗲𝗻𝗲𝗿𝗮𝗹 𝗮𝘁 𝗻𝗴𝗮𝘆𝗼’𝘆 𝗦𝗲𝗻𝗮𝘁𝗼𝗿 𝗥𝗼𝗻𝗮𝗹𝗱 “𝗕𝗮𝘁𝗼” 𝗗𝗲𝗹𝗮 𝗥𝗼𝘀𝗮 𝘀𝗮 𝗶𝗹𝗮𝗹𝗶𝗺 𝗻𝗴 𝘄𝗮𝗿-𝗼𝗻-𝗱𝗿𝘂𝗴𝘀 𝗰𝗮𝗺𝗽𝗮𝗶𝗴𝗻 𝗻𝗴 𝗻𝗮𝗸𝗮𝗹𝗶𝗽𝗮𝘀 𝗻𝗮 𝗮𝗱𝗺𝗶𝗻𝗶𝘀𝘁𝗿𝗮𝘀𝘆𝗼𝗻𝗴 𝗗𝘂𝘁𝗲𝗿𝘁𝗲.
Sabi ni Valeriano na maituturing na explosibo at nakagigimbal ang mga testimonya ni Espenido sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng House Quad Committee hinggil sa madugong war-on-drugs campaign na inilunsad ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte laban sa laganap na illegal na droga.
Ayon kay Valeriano, seryoso at mabigat ang mga pinakawalang impormasyon ni Espenido. Isiniwalat nito ang mapusok na war-on-drugs ng dating Pangulo na inaayudahan ng “reward system” kung saan ang pondo para dito ay kinuha mula sa intelligence fund at perang nagmula sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Dagdag pa ng kongresista na kinumpirma rin ni Espendido na maraming paglabag sa karapatang pantao ang nangyari sa pagpapatupad ng madugong war-on-drugs dahil may mga pinaslang na ordinaryong drug user at drug pusher.
Sinabi pa ni Valeriano na ibinunyag din ni Espenido na inutusan siya ni dating PNP Chief Dela Rosa na gawin ang lahat kasama na ang pagpatay para mabura ang illegal na droga sa kaniyang jurisdiction bilang Police Chief ng Ozamiz City.
Sa pagdinig ng Quad Committee, direktang iniugnay ni Espenido si Dela Rosa bilang “protektor” umano ng mga pinaghihinalaang drug lord kasunod ng pahayag nito na ang kapulisan ang “biggest crime group” sa bansa bunsod ng pagkakasangkot nito sa malalaking kontrobersiya gaya ng illegal drugs.
Ikinuwento rin ni Espenido ang kaniyang mga karanasan sa pagwasak sa operasyon ng illegal na droga na kinasasangkutan ng hinihinalang drug lord na si Kerwin Espinosa sa Leyte at ni Ozamiz Mayor Reynaldo “Aldong” Parojinog kung saan natuklasan nito kung sino-sino ang mga mataas na opisyal ng PNP ang sangkot sa talamak at illegal na kalakalan ng droga.
“I believe former PNP Chief Dela Rosa was involved in the dismissal of the cases that I built up against Kerwin Espinosa including the burying of the cases that I was building against his police protectors or coddlers who have been receiving money from him,” bahagi ng testimonya ni Espenido.