PUJ Source: LTFRB FB

Resulta ng jeep modernization program tingnan, pag-aralan

April 14, 2024 PS Jun M. Sarmiento 56 views

NANAWAGAN ang mga senador sa pamahalaan na tingnan mabuti ang magiging resulta ng programang jeepney modernization ngayong nalalapit na ang deadline na ibinigay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Abril 30, 2024.

Ayon kay Sen. Grace Poe, chairperson ng Senate Committee on Public Services, mahalaganag irekonsidera ng gobyerno ang patuloy na dialogue at pakinggan ang mga hinaing ng mga drivers at operators para maliwanagan kung ano pa ang mga bumabagabag sa kanila para maisakatuparan ang modernisasyon ng mga lumang jeepney at kung anong solusyon ang pwedeng gawin ng pamahalaan.

Ipatutupad ang PUV modernization program para mapalitan na ang mga tradisyonal na jeepney ng Euro 4-compliant engine para maiwasan ang polusyon sa hangin.

Ani Sen Poe, dapat lamang na may nakahandang mga plano ang gobyerno sa commuters na araw-araw sumasakay sa mga jeepney lalo’t sila ang direktang tatamaan ng anumang ilulunsad na strike.

Idinagdag ni Poe na hindi malinaw ang mga rutang tatahaking ng mga consolidated jeepneys kaya nanawagan siyang dapat itong ayusin lalo’t napakainit sa kalye at sadyang napakahirap para sa mga ordinaryong Pilipino na umaasa lamang sa mga jeepney para makarating sa kanilang mga pupuntahan.

Kolorum na ang mga jeep na hindi tutupad sa programa ng gobyerno sa ilalim ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) simula sa Mayo 1.

Base sa datos, mayroong 1,767 na ruta sa iba’t-ibang parte ng siyudad sa ating bansa na hindi kasama sa consolidated public utility jeepney (PUJ) ang mga driver at operator nito.

Para kay Sen. Imee Marcos, isang pasasalamat para sa ginawang desisyon ng punong ehekutibo ang desisyon nitong magkaroon ng transport summit at konsultasyon para sa lahat.

Ipinaliwanag ni Sen. Marcos na hindi ganon kadaling hanapin ang P2.5 milyon kada jeep at hindi aniya madaling isipin kung paano ito kikitain lalo pa at limitado ang pera ng maraming nating driver at operator.

Iginiit din niya na sobrang liit ang subsidiya ng gobyerno na papatak lamang sa P180,000 kada jeepney.

Bukod dito inihayag din ni Marcos na isyu rin para sa mga driver at operator ang trade-ins, at kung ano talaga ang magiging status ng mga jeepney driver at operator sa ilalim ng kooperatiba, partikular kung paano ang magiging pananagutan nila sakaling magkaroon ng problema sa regular na pagbabayad ng jeepney unit.