
Rep. Tiangco sa DICT: Kumilos laban sa talamak na krimen sa Internet
HINIMOK ni House Committee on Information and Communications Technology Chair Navotas Rep. Toby Tiangco ang Department of Information and Communication Technology (DICT) na suriin ang mga programa at panuntunan para alamin at malutas ang talamak na krimen sa tulong ng computer o internet.
Bunsod ng laganap na cyber attacks at data breaches na nakakaapekto sa sistema ng pamahalaan, pati na ang pagkakalagay sa bansa ng isa sa pinakamataas na may kaso ng data breach ang panawagan ni Tiangco.
Ayon kay Tiangco, dapat gayahin ng DICT ang ginagawa ng mga doktor na gawing susi ang pag-iwas sa sakit kapag may alalahanin sa kalusugan.
Sabi ng kongresista na kahit pinapahalagahan nila ang pagsisikap ng DICT, kasama ang National Computer Emergency Response Team at ang National Cybercrime Hub nito, kailangan pa ring pinupunuan ito ng mga hakbang sa pag-iwas laban sa cybercrimes.
Nito lang Martes, sinuspinde ng Department of Migrant Workers ang kanilang online services dahil sa ransomware attack na gumambala sa mga kinakailangan serbisyo ng mga overseas Filipino workers (OFWs).
May ulat din ang Surfshark, ang pribadong network provider ng naka-base sa Norway, na pang-29 sa 250 mga bansa sa mundo ang Pilipinas na dumanas ng data breaches sa ikalawang quarter ng 2024.
Bagama’t positibong senyales ito mula sa 7.7 milyong kaso sa unang quarter ng taon at lumagpas pa ng 387,000 sa ikalawang quarter, nakaka-alarma pa rin ang ganitong pagtaas ng kaso sa buong mundo.
Sinabi ni Rep. Tiangco na bagama’t tanggap na natin ang panahon ng pag unlad ng teknolohiyang digital, nararapat lamang na gumawa ng hakbang ang mga ahensiya ng mga panuntunan na susugpo sa cybercrime dahil kung wala nito, magiging panganib sa mga Filipino ang kanilang pribadong pagkatao, lantad sa panlilinlang at iba pang uri ng cybercrimes.