
Rep. Frasco: NMP sa Cebu magiging tourist magnet
NANINIWALA si House Deputy Speaker at Cebu 5th Dist. Congressman Vincent Franco “Duke” D. Frasco na maituturing na malaking “asset” para sa turismo ng Cebu City ang pagbubukas ng National Museum of the Philippines (NMP) dahil ito’y magiging attraction para sa mga lokal at dayuhan turista.
Matapos pangunahan ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang pagpapasinaya sa pagbubukas ng NMP sa Cebu City, sinabi ni Congressman Frasco na magsisilbing malaking attraction para sa mga lokal at dayuhang turista ang NMP na naglalaman ng kultura ng Pilipinas.
Sinang-ayunan din ni Frasco ang pahayag ni Pangulong Marcos, Jr. na kailangang hikayatin ang mga lokal at dayuhang turista o visitors na isama sa kanilang itinerary ang pagbisita sa NMP para mas lalo pang mapayabong ang turismo ng Cebu City na magbibigay ng malaking tulong sa lokal na ekonomiya ng lalawigan.
Ipinaliwanag din ng kongresista na ang mga museo sa Pilipinas katulad ng NMP sa Cebu City ay isang napakahalagang cultural asset na nagpapakita ng iba’t-ibang kultura at kasaysayan ng bansa.