Motorcycle

Rekomendasyon sa suspensiyon ng taripa sa EVs maaaring maipasa sa Malacañang siyam na buwan mula ngayon – DTI

May 5, 2023 People's Tonight 502 views

IPINAALALA ng Department of Trade and Industry (DTI) na maaaring maipasa ang mga rekomendasyon ukol sa suspensiyon ng taripa para sa electric vehicles sa tanggapan ng presidente sa pamamagitan ng mandatory review sa ilalim ng EO12, siyam na buwan mula ngayon.

Ito’y makaraang ilabas ng gobyerno ang Executive Order No. 12 series of 2023 na naglalayong pababain ang taripa sa electric vehicles at mga piyesa nito upang isulong ang paggamit nito sa bansa.

Sa isang pahayag, binigyang-diin ng DTI na nakasaad sa ilalim ng Section 2 ng EO12 na ang tariff cuts sa EVs ay nakatakdang repasuhin matapos ang isang taong implementasyon nito.

Naipasa ang EO12 nitong Enero 13, 2023 kaya naman makapagsisimula lamang ang pagrerebyu sa naturang batas sa Pebrero 21 sa susunod na taon.

“Under Section 2 of EO No. 12, the tariff measure/cuts including its coverage shall be subject of a review after one (1) year from the implementation of the order. Thereafter, findings and recommendations on the matter shall be submitted by the NEDA to the Office of the President (OP),” sabi ng DTI.

Sinabi pa ng ahensiya na ang implementasyon ng EO12 ay makatutulong na mapayabong ang lokal na industriya ng EV at mahikayat ang mga Pilipino na lumipat sa mas malinis at ‘greener’ na moda ng transportasyon.

“EO No. 12 was uploaded in the Official Gazette last 19 January 2023, and became effective on 20 February 2023, as such, review of the measure can be done starting 21 February 2024,” dagdag pa ng ahensiya.

Sa ilalim ng EO12, nakatakda nitong pababain ang tariff rate ng EVs mula sa 30 porsiyento at 5 porsiyento papuntang 0 porsyentong import duty.

Bagaman hawak ng motorsiklo ang pinakamalaking porsiyento ng motorista sa bansa ay pinapatawan pa rin ang electric motorcycles ng 30 porsyentong import duty sa ilalim ng naturang batas.

Marami namang stakeholders ang nagpahatid ng kanilang mga hinaing at panawagan na gawing mas inklusibo ang EO12 sa pamamagitan ng pagsama sa e-motorcycles sa suspensiyon ng taripa dahil ito ang ginagamit ng karamihan sa mga motorista sa bansa.

Sinuportahan naman ito ni Propesor at Fellow for Education ng Stratbase ADR Institute Louie Montemar na nagsabing mas kaakit-akit para sa mga salat na Pilipino ang EVs bilang moda ng kanilang transportasyon lalo na ngayon na patuloy pa ring tumataas ang presyo ng petrolyo.

Sinabi rin ni Senador Sherwin Gatchalian na dapat isulong pa ang paggamit ng EVs sa bansa sa pamamagitan ng pagpapaintig ng implementasyon ng Electric Vehicle Industry Development Act (EVIDA) bilang tugon sa mga susunod pang pagtaas ng presyo ng langis.

Samantala, para naman kay Stratbase ADR Institute President Dindo Manhit, ‘unjustified’ ang EO12 kung hindi maisasama ang e-motorcycles dahilan kung bakit itinutulak niya ang pag-repaso sa naturang batas.

Isa rin ang EO12 sa mga nakikitang solusyon ng gobyerno upang mabawasan ang carbon emission ng bansa na dulot ng sektor ng transportasyon.

Nakatakda namang maglatag ang Department of Energy (DOE) ng mahigit 2.45 milyong electric vehicles at 65,000 na EV charging stations sa iba’t ibang panig ng bansa mula 2023 hanggang 2028.

AUTHOR PROFILE