Regulasyon ipapatupad sa pagbabalik ng E-sabong
SA pinakahihintay na pagbabalik ng e-sabong sa bansa ay magiging propesyonal at kontrolado na ito para maibsan ang pangamba ng publiko hinggil sa mga negatibong epekto nito sa lipunan.
Ito ang ipinahayag ng tagapangulo ng Gamefowl Affiliates of Pitmasters-Philippines Batangas na si Fermin Solis dahil nakikita niyang malaki ang potensiyal ng industriya na lumago.
Aniya, naiintindihan niya na may mga batas na dapat sundin sa komunidad ng pagsasabong at dapat, aniya, itong masunod upang maipakitang propesyonal ang naturang industriya.
“Lahat naman ng bagay ay tama na mayroon dapat regulasyon, sapagkat tayo ay pumapasailalim sa batas. At maganda na rin naman na bagaman marami ang nakikinabang sa industriya ng [e-sabong]… dapat maipatupad ang tamang regulasyon,” sabi ni Solis sa isang press conference sa Pitmasters Live.
Dagdag pa niya, dahil sa modernong teknolohiya, lalago pa ang industriya ng e-sabong gamit ang modernong mga pamamaraaan.
“Talagang nakatutulong ang modernong paraan [sa pag-unlad ng industriya ng e-sabong],” sabi pa niya.
Sinabi rin ni Solis na malaki ang maitutulong ng pagiging propesyonal ng e-sabong sa mga beterinaryo, feed suppliers, at iba pang industriya dahil makapagbibigay ito ng hanapbuhay at kita sa iba’t ibang tao.
Para naman kay GAPP Bulacan President Maw Acierto, dapat kontrolado ang paglalagay ng pera sa e-sabong dahil dinisenyo ito upang maging hanapbuhay.
Dagdag pa niya, dapat magamit sa tama at responsable ang pera upang makita na propesyonal ang mundo ng sabong at hindi lang tulad ng kahit anong sugal.
“Lahat lang po sana ay ilagay lang sa tamang lugar, sa tamang kontrol. Sigurado naman táyong ang GAPP…ay patuloy na mag-i-improvise ‘yan to continuously professionalize itong ating industriya,” ani Acierto.
Una nang sinabi ng Philippine Amusement and Gaming Corporation na dapat na magkaroon ng independent regulator ang e-sabong dahil sa laki ng perang kaakibat nito.
Ilan sa mga regulasyong ipinapanukala ay ang pagkakaroon ng oras ng paglalaro at kontroladong pusta. Kaakibat din ng patuloy na regulasyon ang pagtaas ng tiwala at kumpiyansa ng mga tao sa naturang industriya.
Nasa P640 million kada buwan ang kinikita ng gobyerno mula sa e-sabong nitong 2022. Nakalikom ang PAGCOR ng P2.03 bilyon sa unang anim na buwan ng taon, ayon kay PAGCOR Chairman and Chief Executive Andrea Domingo.